Matagal ko nang nadidinig na gusto daw akong kuning guest speaker sa paaralang kung saan ako ay nagtapos ng elementarya. Hindi daw ako masabihan ng deretsahan at baka daw hindi naman ako uuwi. At saka, baka daw galit pa ako, pabirong sinabi sa akin ng nagmamagandang-loob na gustong paratingin sa akin na nagpapahalaga naman daw sa akin ang Quezon Elementary School. Ang sagot ko naman ay bakit ako magagalit? O nagalit? O nagagalit pa rin?
Mahirap lang talagang umuwi at mahal ang pamasahe. Isa pa ay mahaba pa lalo ang biyahe kung lilipad ka na, ipapagmaneho ka pa at sasakay ka pa ng bangka. Hindi ko naman sigurado kung may mapupulot naman silang aral sa aking sasabihin. Mas masarap tuloy maging pari. Mas maraming gustong makinig ng sermon ng pari kaysa speech ng hindi naman kakandidato. Palibhasa ay wala namang gustong kumuha sa akin na maging guest na magmisa kahit kaya ko naman, ay di sige na nga kung mangyayari nga.
Sinabihan ako sa Facebook sa simula ng taon ng kasalukuyang prinsipal na gusto daw talaga nila akong umuwi para maging guest speaker. Natuwa ako. Talagang-talaga. Ang una kong naisip ay baka kinukuha na nga akong guest speaker sa graduation dahil dati kong kapit-bahay at kasugal sa 41 na baraha ang prinsipal. May utang pa yata siya sa aking diyes sa pataasan. Kinalimutan ko na iyon kahit dalawang Timbura din ang nawala sa akin. Sabi ko kay Edel, sa susunod na may biyahe ako sa Asya ng mga bandang Marso, ako ang unang magsasabi sa kanya para masabi ko na nga wala naman akong sama ng loob sa lahat. Guni-guni lang iyon ng matatanda. Kung gusto nilang kumuha ng magsasalita na dati talagang may sama ng loob, hindi naman busy ang Nanay ko. Baka pati ako, uuwi rin para makinig. Maigi na rin iyong nandoon ako para kung nanggagalaiti pa rin siya habang nagsasalita ay may hihila sa kanya sa entablado pababa.
Parang sikat pa rin sa karamihan ang kwento ng aking pagtatapos sa elementarya at ang buong naging buhay ko noong elementarya. Kapag may nakikita akong kababata sa aking paglalagag ay nauungkat pa rin kung ano nga ba talaga ang nangyari. Lagi akong natatanong na ikwento ulit sa kanila ang nangyari. Pasakay, hindi nga lang ako sumasakay at hahaba lang ang tapos na. Panahon pa ‘yun ni Marcos at ni Mayor Roming. Ang lagi kong sagot kapag ako ay ginagatungan ay sila na lang ang magsabi sa akin kung ano ang kanilang naaalala.
Lumaki akong kasing-lapad ng aking pang-unawa ang talas ng aking pagkakatanda sa mga karanasan at aking ginawa mula noong ako’y dalawa o tatlong taong gulang. Pati suot kong damit at gupit sa bawat karanasan ko ay tanda ko pa. Natatawa ako sa mga naging sagot nila sa aking tanong dahil marami silang dagdag na hindi naman talaga nangyari. Hindi ko na itinatama. Nakakatuwa lang dahil mas madrama pa ang kanilang bersyon sa drama ng aking pag-aaral sa elementarya. Isa lang naman talaga ang sagot. Mahirap talagang mas maging mahirap pa sa mahirap.
Hindi ko isinali ang sarili ko sa mga diskusyong sinimulan ng Nanay ko noon na may halong pagsang-ayon ng aking lolong pulis. Tahimik lang ang Tatay ko, at mas tahimik pa ang asawang guro ng aking lolo na talaga namang napakatahimik maliban na lang kung inaabutan ako ng aking lolo ng baryang naipon sa kanyang bulsa. Lumalayo na ako sa harap ng aming bahay kapag naririnig ko na ang Nanay ko na nagsisimula na naman ng kanyang mga walang-patid na litigasyon at pag-uurirat kapag may napapadaang kaibigan, kasama ang paglalabas ng mga inipon niyang ebidensiya na naka-album na parang mga litrato ng ikinasal sa pagkakasunod-sunod.
Hindi ako sumali sa mga diskusyon noon hindi dahil sa ayaw kong sumali sa away ng matatanda. Bagkus, ayaw ko lang talagang mahiwalay ako sa lahat ng aking mga kaklase. Ayaw kong malayo sa akin kahit isa lang sa kanila noong mga panahong iyon kahit alam ko na karamihan naman ay nasa aking panig, lalo na si Maricel na hindi rin daw siya a-attend ng graduation kung hindi na naman ako papupuntahin ng Nanay at Lolo ko sa sabitan ng medalya o kabitan ng laso. “Bang-aw ka Acel,” seryosong sagot ko sa kanya noon. Nangingiti ako dahil dito sa aking pagbisita sa libingan ni Maricel sa madalang kong pag-uwi sa atin. Kung buhay si Acel, sisiguraduhin niyang ekstra siya sa aking speech.
Ay ano nga bang otap ko ‘pag pinagsalita ako? Simple lang. Magpapasalamat ako sa lahat, unang-una. Magtanim ay di biro at ang magtanim ng sama ng loob ay hindi nakayuko at nakatayo. Kung hindi nangyari kung ano man ang nangyari ay baka wala ring nangyari sa mga pangyayaring nangyari sa aking yaring buhay. Bukal na bukal sa loob ko ang aking pasasalamat at pagyakap sa lahat. Hindi ko rin style ang itaaas ang sarili ko sa panunumbat. Pinalaki akong maliit ang ulo ng aking mga magulang. Hindi mataas ang aking ihi. Ang tangi kong maipagyayabang ay ang dami ng aking mga naging kaibigan at kawalan ng kaaway. Kaya tama lang na ako ay magpasalamat. Kung isang minuto lang ang ibibigay sa akin, tapos na dito. Kung hindi naman ay dadagdagan ko na rin.
Ipapaalala ko sa mga kasalukuyang guro na mas mahalaga sa pagiging patas sa pagbibigay ng mga grades o nota sa mga bata na sila ay magturo. Kung may galit man ako, mas pagtutuunan ko ng pansin ang pagpapaalala sa mga guro sa mga nasayang kong oras sa pagbubunot ng damo at paglilinis ng kasilyas na hindi na naman lilinis pa na sana ay iginugol na lang para maturuan pa kami ng tamang kaalaman na may kinalaman sa asignaturang dapat ay napakinabangan. Aanhin pa ang damo kung inaagiw na ang microscope. Kaya siguro ako naging accountant at hindi naging doktor ay dahil mula Grade I ay magaling ang math teachers ko. Hindi ko naman hinangad na maging tagapaglukad para magtanim ng gulay sa labas ng Practical Arts. O sige na nga, tinignan kong masinsinan na close up na close up ang tanim kong pechay kaya ko natutunan kung ano talaga yang letseng photosynthesis.
Pangalawa, mas mahalaga sa kintab ng sahig at kulay ng pintura ng dingding ng classroom ang pagpapalitan ng opinyon sa itinuturo ng guro sa loob ng klase. Hindi lahat ng batang maingay sa klase at sumasalungat sa kanilang sinasabi sa klase ay walang ugali. Pinilit kong maging tahimik kahit gaano man kahirap na hindi ko ibuka ang aking bibig kapag may nasasabi ako sa kanilang itinuturo dahil wala rin namang papatol sa aking walang katapusang-tanong, masasabihan pa akong pilosopo.
Sa pagkakasalungat, ang aking mga kontemporaryang kabataan sa mga mahal na paaralan ay malayang nakikipagtalastasan sa mga guro sa pagbabahagi ng kanilang interpretasyon sa itinuturo na nagpapalawak pa ng kanilang kakayahang magpahayag at makipag-ugnayan. Hindi batas sa pampublikong paaralan ang hindi pagsasalita ng mga bata at hindi rin prebelihiyong pang-pribadong paaralan lang ang pagbabagay ng guro sa paraan ng pagtuturo kung saang metodolihiya mas matututo pa ang bata. Hindi lahat ng pag-iisip ng bata ay hinulma sa isang sukatan lang. Ituloy ang pagdisiplina pero mag-isip ka mahal na guro kung ano talaga ang pangangailangan ng isang bata.
Ang mangolekta ng ambag o karagdagang panggugol sa mga gastusin ng paaralan na hindi kayang tustusan ng gobyerno ay hindi mali, huwag lamang itong gagamiting pinakamahalagang basehan kung sino ang nasa unahan at sino ang nasa huli. Tama na ang wan poynt. Wag namang gawing 95 ang 80 o kaya ay 85 ang 95. Hindi ako ipokrito dahil mas madali naman talagang matuto ‘pag may electric fan. Huwag lang kalimutan na si Gandhi ay natuto at naging matalino sa gitna ng araw. ‘Yun nga lang, kaya siguro nagkaputok.
At sa mga bata, ilabas ninyo ang inyong mga isip sa isla. Mangarap kayo dahil libre, walang bayad. Tingnan ninyo ang mga umuuwi sa atin, iyong mga mas matatandang bata na nag-aaral sa kolehiyo sa Lucena o Maynila at tanungin kung ano ang kanilang pinag-aaralan at kung ano ang kanilang trabaho kapag sila ay tapos na. Kung hindi sila makasagot, huwag na ninyong gayahin ang kanilang kinukuha at nagsasayang lang sila ng pera at pagbebenta ng kalabaw. Kung gusto naman ninyo ang sagot at sa tingin ninyo ay may koneksyon ito sa inyong pangarap, tanungin na ninyo ngayon pa man ang inyong mga magulang kung kaya nila kayong paaralin sa ganoong kurso at kung hindi bigyan ninyo ng homework ang magulang ninyo na habang may apat na taon pa ay sagutin ang inyong tanong balang-araw. Kung wala silang maisagot talaga, sagutin ninyo sa inyong sarili ninyo kung paano ninyo ito magagawa na hindi kayo aasa sa inyong magulang.
May mga kolehiyo na libre ang tuition fee sa mga batang nagtiyaga at nagsakripisyo. Walang nilaga sa walang tiyaga. Walang bisyo ang nagsasakripisyo. May mga tao na magaganda ang loob na kayang tumulong, tanungin lang ninyo kung ano ang sukli kung hindi naman kayo iniiskolar.
Ang maiwan sa isla ay hindi masama. Masaya sa isla. Walang problema. Mahirap nga lang kumita ng pera. Nasa labas ng isla ang mas maraming problema. Di nga lang bale, dahil mas madali ring kumita ng pera sa labas ng isla. Hindi pera ang basehan ng lahat. Pangarap lang lahat ‘yan. Ang problema, paano kung ang pangarap mo ay magkaroon ng maraming pera para matulungan mong maiahon ang iyong mga magulang at mapaaral ang iyong mga nakababatang kapatid para hindi na sila mamroblema pa? Ay di kakailanganing mo ngang lumabas.
Bawal maging tanga. Kapag lumabas ka na, ang kakalabanin mo sa magagandang trabaho ay iyong mga nagtapos sa ibang paaralan. Marami sa kanila lumaking may katulong sa bahay at natututo habang ikaw ay nagbubunot ng damo. Habulin mo sila. Bilisan mo. Wag na munang bumarkada. Mangaibigan ka na lang muna. Mag-aral ka at matuto. Mahalaga ang maging una sa klase pero mas mahalaga pa rin ang matuto. Magtanong. Magbasa. Mag-google. Mag-wikipedia. Magsulat. Mangarap. Pero higit sa lahat, gawin mong totoo ang iyong pangarap. Wag kang maging pabigat. Kaya mo ‘yan. Tanungin mo pa si Kim.
O, hayan, hindi ako galit.
(ABOUT THE AUTHOR: Rodel Aguilon is currently the Shared Services Organization (SSO) Head of a major retail chain in the United States which operates 1,100 Stores in America, managing an organization of 400 people. He used to be a Director for Shared Services in the same company before this promotion. Prior to joining retail, the author spent more than 20 years in the manufacturing industry as a Finance Professional, starting in a management career in the Philippines. He lived in China, Japan and Ohio as he moved around as part of his broadening assignments and last served as an Associate Director for Finance. Out of college as a summa cum laude, he started his professional employment in the most prestigious and biggest accounting firm in the Philippines. He hails from the town of Quezon, Quezon Province.)
0 Comments