Katataspulong

Atty. Sonny Pulgar’s Blog & personal website.

ANG PINOY SA EROPLANO

Dec 21, 2015Articles0 comments

NINOY AQUINO INTERNATIONAL AIRPORT TERMINAL 3

TERMINAL 3

Kung social status ang pag-uusapan, ang travel class sa eroplano ang agarang makakapagsabi kung anong katayuan ng pasahero sa lipunang Pinoy.

Nariyan ang first class, business class, premium economy, at economy.

Magmula pa nuong panahon ni Marcos, naguing tanyag ang Pilipinas na supplier ng dalubhasang manggagawa sa Middle East. Segun pa roon ang paguiguing pangunahing bansang kuhaan ng mga marino ng mga shipper mula sa Balkan states at Scandinavia.

Kung kaya nagkaroon ng isang subset na kultura ang mga OFW. Dahil sa kanila, iba ang pasaporteng inihahain sa Immigration o kaya ay may sarili silang hapag upang duo’y dumulog kung aalis o parating.

Hindi ba’t ang tawag sa kanila ay bayani ng bansa dahil sa bilyong dolyar na remittance mula pa noong 1965 na nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa.

Dahil nga sa klasipikasyon ng pasahero, ganun din ang malupit na trato ng mga flight attendant at kawani ng Customs at Immigration sa caste na ito ng ating lipunan.

Bagong gupit kapag uma-alis. Pagdating nama’y kahaba ng buhok at tadtad ng naninilaw na guinto sa leeg at daliri.Isang kilometro pa lang ang layo, alam na ng mga taga Manila International Airport, bago ito pinangalanang Ninoy Aquino International Airport, kung ang rumaragasang kulupon ay contract worker mula sa mundo ng Arabo o seaman mula sa Norway.

Bastos Na Mga Flight Attendant

Bastos ang trato sa kanila ng mga flight attendant at ang mga kawani ng pamahalaan sa paliparan. May ngisi sa mga labi kapag namataan silang karay-karay ang mga plastic bag na puno ng Fundador o Hershey’s. Hindi ba’t dahil nga pinagnasaan din ng pamahalaan ang foreign exchange na guinagamit nilang pambili nito ay minabuting magtayo ng Duty Free Shops sa lahat ng air terminals sa bansa.

Ito’y isang kabanata sa mahabang kasaysayang ng tinatawag na Pinoy Diaspora. Hindi lang skilled workers ang ating binagahe, ‘di nalaunan, dahil sa umabante na ang ekonomiya ng mga kapitbansa natin sa Asya, umangkat na rin sila ng Domestic Helpers. Subset din sa ating kasaysayan kasabay ng pamamahagui natin ng DH, ang accreditation sa POEA ng mga entertainers tulad ng Brunieyuki at Japayuki.

Iba ang dating nga mga DH sa airport. Palihim na ina-aglahi. Baduy daw ang suot na signature jeans. Samantalang ang mga Japayuki’y tampulan ng bulung-bulungan. Karamiha’y makulay ang buhok, kaakit-akit ang bihis, o kaya’y nagdadalang tao, o may akay na inakay na anak ng dayuhan. Nang magluwag sa Europe, marami ang nagTNT sa Italy. Kaya sa Brgy. Caloocan sa Talisay, Batangas, may mistulang Little Italy dahil ang mga tahana’y disenyong Mediterranean o Tuscan. Iba rin ang galaw ng klaseng ito sa mga airport.

Walang modo ang mga flight attendant sa ating mga OFW. Perfunctory ang serbisyo, nagmamadali at parang nandidiri na para bang walang karapatang mag-utos sa kanila dahil utusan din naman sa kanilang pinanggalingan. Pagdating sa economy class, parang routine sa mga flight attendant ang magsudlong ng karitong may airline meal, tubig, kape, soda o tsaa.

Masungit sila sa OFW. Walang tiaga. Ayaw mauusisa. At kapag may problema sa bagahe o overhead bin, nagdadabog at sinasagasaan ang pobreng pasahero. “Dami kasi n’yong hand carry….!” Kesyo may pera naman bakit hindi raw bayaran ang extra timbang ng mga bagahe. Bubulong-bulong at magchi-chismis sa lavatory ng eroplano at inginunguso ang inerereklamong pasaherong nagnanais lamang na makauwi at makapiling ang mahal sa buhay.

Promo at Budget Fare

Nauuso sa America ang Budget Fare. Sabi ng mga eksperto, mas kikita ang airline kung mura ang pamasahe. Magbabayad ang pasahero sa extrang serbisyo tulad ng timbang ng bagahe, souvenirs, o pagkain dahil magugutom naman. Kaya sumisid ang pamasahe.

Dati spectacular ang makapunta ng America. Isang beses sa tanang buhay, status symbol ng masasabi na nakabiahe nang paUS. Dahil sa epektibong istrategiya sa Marketing, halos lahat ng airline ay may budget fare na guinaya ng Cebu Pacific, Zest Air at Philippine Airlines. Ang promo fare ay regular na ibinibigay kaya dagsa ang prebooking. Kung maaga ang booking, mas makakatipid pa.

Isa na namang subset ito ng kultura sa paglipad. Ang mga nagtitipid na pasahero, sinisimangutan ng mga flight attendant.

Pa-Epek ng Hotshot na Pinoy

Dahil nga may budbod na mga OFW, DH, o entertainers ang eroplano, o mga parukyano ng budget fare, may nabuong pa-epek ang mga pasaherong ayaw masasabing isa sila sa klasipikasyong binangguit.

Maari din namang hindi ito pa-epek kundi ang pagnanasang magpakilala sa mga hindi kilalang mga ka-pasahero. Ganun ang Pinoy. Kapag may kaunting narating o nagawa hindi makapagpigil na magyabang o pahapyaw na magpakilala na siya ay may sinasabi sa kanilang bayan, opisina, o organisasyon.

May nakasabay akong isang babaeng humahangos na papasok sa eroplano at hinahanap ang kanyang upuan. Habang naghahanap ay may kausap sa kanyang telepono at ang taguri sa kausap ay USEC. Ano ang dadapo sa isip mo? Aba’y bigatin ito ng gobyerno. Puro USEC ang binibitiwang salita. Paalis na daw siya at kailangang ang request ni Congressman (na hindi naman binabangguit ang pangalan) ng water works project ay dapat nang madaliin dahil daw inaasahan na yaon ng kanyang Boss. Nakaupo na’y sigue pa rin ang pa-epek na siya ay chief of staff ng Congressman at dapat mag-ingat si USEC sa kanyang pangako dahil nabangguit na raw ni Congressman sa kanyang talumpati ang proyektong inaasahan.

Nag-announce na ang piloto sa mga flight attendant na ready for take-off na ang eroplano pero sigue pa rin sa ngatngat ang pasaherang nagpapakilala sa kanyang mga estrangherong kapasehero. Ang ipinagtataka ko, isang oras lang naman ang lalakbayin namin, bakit hindi makapaghintay ng isang oras ang ale upang makausap si USEC? Nagpapakilala kasi.

Minsan nama’y may mama akong nakatabi na nagbabala na ang mga flight attendant ng ready for take off at fasten your seatbelts matapos ang demonstrasyon ng safety procedure ng eroplano ng biglang hinugot ang telepono at pinapagalitan ang isang tao nasa kabilang linya na pinalalabas na empleado niya.

Bakit daw hindi ideniliver ang isang piyesa ng makina sa project site. Sinermonan ang empleado. Ano ang ibig sabihin? Hotshot siya at siya ang may-ari ng negosyo na malamang, take note, contractor ito. Baka raw hindi mabayaran ng Buyer nila sa isang linggo. Eh isang linggo pa pala maniningil at isang oras lang ang lalakbayin namin, bakit hindi ipagpaliban ang pagtawag gayong nasa ere na kami at ginagamit niya ang kanyang telepono sa takeoff namin? Kahit na ibingit kaming lahat sa panganib (hindi ba’t bawal na gamitin ang cell phone pagtake-off?) gagawa at gagawa ng gimik para makapagpakilala lamang.

At kung may kasama naman ang pasahero, ganun din. Pa-humble kuno sa isang insidente pero ang bottomline eh siya ang siga sa grupo nila. Lakas ng boses at halakhak. Parang sila lang ang laman ng sasakyan. Hindi magpatulog.

Nagpapakilala kasi.

w

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.