Katataspulong

Atty. Sonny Pulgar’s Blog & personal website.

Bangungot sa Katanghalian

Oct 31, 2021Articles0 comments

Malawak ang Pahara sa dakong Timog ng SLeX. Maaga kaming nakarating bago pumutok ang araw sa bisperas ng Undas. Dahil tatlo ang aming aso, ang isa ay itinoka sa akin upang maglakad sa malamlam na sikat ng araw. Walking the dog, ika ng mga Amerikano. Bulubundukin ang Pahara kaya’t manhik panaog ang aming maliksing kayapakan. Lampas ng isang oras ang aming galugad sa lugar. Tanging paru-paro, tipaklong at ibon ang nagmamasid sa amin. Dagnas pawis ang bawat isa. Lawit ang dila ng alaga kong American Bully. Mabuti na lang may mga nakahandang gripo sa pathway na inilaan ng Pahara para sa mga nageehersisyo. Matapos ang seremonyas nainilalaan sa pangkatawang pangangailangan, kami’y nananghalian sa Sto. Tomas. Matapos mahigop ang mainit na sabaw ng bulalo kasabay ng ngata sa malutong na tawilis, kami’y isa-isang suminsay sa aming sasakyan upang umuwi na at namnamin ang kagyat na nakaraang karanasan sa Pahara.

Dahil pagod, ako raw ay agad na napaidlip at naghilik. Masarap itulog ang hapong katawang inagusan ng pawis. Maganda ang aking panaginip sa katanghalian.

Ako raw ay nakapila halos isang dipa ang layo sa mga nasa labas ng aking presinto sa Brgy. 5 ng Calauag sa araw ng halalan, Mayo a-nueve, 2022. Marami ang bumoto. Karamiha’y mga kabataan na humabol sa rehistro ng Comelec. Maingay ang mga batang botante. Marcos daw ang iboboto nila. Mayoriya ang maka-Marcos sa kabataan. Medio kumalog ang tuhod ko at baka matalo ang manok kong si Leni. Ganun ang pakiramdam ko noong 1978 na kung saan olats ang LAKAS NG BAYAN sa KBL

Wala akong halos nakitang senior citizen sa pila. Tanung ko’y paanu ang manok kong si Leni? Ang mga parokyano ni Leni ay ang mga katandaang saksi ng Batas Militar ng matandang Marcos.

Sumirit ng tatlong araw ang panaginip ko. Bilangan na at ang lumalamang ay ang batang Marcos. Nasa TV si Imelda. Tumatangis. “Ito’y patunay na wala kaming kasalanan sa bansa. Mahal pa rin kami ng mga Pilipino,” ika ng matriarka. Sumunod ang kapatid na si Imee, “we are vindicated. I hope the Sandiganbayan will acquit my mother!” “The camera zooms in to the Spokesperson of the Supreme Court and confirms that all decisions adverse to the Marcoses are now reversed…” ika ni Mike Enriquez at pinatotohanan ni Anthony Taberna, “ibinabalik ng PNB ang US$680M na sinamsam sa mga Marcos!”

Sumirit ng isang buwan ang aking panaginip…nasa Batac daw ang batang Marcos at nanunumpa sa harap ni Ombudsman Samuel Martires. “This nation cannot be plundered again!,” kulog ng batang Marcos. “We will see to it that with us in power, our family shall make this country great again and again and again!” Maingay ang ugong ng mga Ilocano, “won, won, won Manong!”

Naroon ang mga Ilokanong pulitiko sumasaksi sa pambihirang pangyayari ng pagbabalik ng mga Marcos. Nakita ko si Rudy Fariñas humahalik sa kamay ni Greggy Araneta. Naroroon din si FVR, akay ni Ming Ramos. JPE? Bumubulong sa batang Marcos. Naroon din si Chavit. “President Bongbong, Singson ako ha? Hindi Crisilogo!” paglilinaw ng Gobernador na napaliligiran ng mga beauty queen. Naroroon din ang ankan ng mga Nalundasan na nagsabing, “fake news ang pagkamatay ng lolo naming si Julio sa kamay ni Ferdinand.”

Wala akong nakitang Bicolano, Bisaya, Batangueño, Kapampangan at taga Davao sa pagtitipong yaon.

“Binola ako ni Rody. Nangako na ipapanalo nya ako sa Supreme Court. Eh may script pala na ibibigay ang ponencia kay Leonen para daw ‘di ko sila sisihin. Lusot sila! Tingnan naman natin kung lulusot siya sa Warrant ng ICC!,” ika ni Pangulong Bongbong kay Titong Mendoza.

Sumirit ang aking panaginip sa unang araw ng cabinet meeting sa palasyo. Maraming mga lumabas na painting ni Rembrandt, Picasso at Titian. Si Madam Imelda ang Kalihim ng Dept of Human Settlements. Si JPE ang Secretary of National Defense. Si Titong Mendoza ang nasa DoJ. Puro Ilokano ang nasa Malacañang. Lahat ng major at coronel na Ilokano sa PNP at AFP promoted agad na 1-star general.

Sinasala pa kung sino ang magiging jefe ng mga armed services. “Rule of Law ang paiiralin ko dahil abogada ako!” ika ng bagong FL na si Atty Liza Araneta.

Sa aking panaginip nakita kung gumagawa na naman si JPE ng bagong Proclamation 1102 na ilalatag sakaling matisod sya sa hump ng Dasmariñas Village.

Nasa Kongreso na si Larry Gadon bilang Senate President at si Marcoleta bilang Speaker at may panukalang batas na papalitan ang pangalan ng Pilipinas sa Marcoletana.

Nasusunog ang UP library dahil sinugod ng mga BBM at ginawang panggatong ang mga aklat ni Teodoro Agoncillo at Renato Constantino.

Gumagabi na. Kako’y uuwi na ako. May Metrocom na humarang sa akin. Ika ko’y bakit nyo ako hinuhuli? Sagot sa aki’y “wala kang curfew pass.”

Nagmura ako. “Putang Ina nyo!”

Ginising ako ng apo kong si Sancho…

“Grampa, why are you swearing?”

Image credit: https://www.dw.com/en/filipinos-outraged-by-marcos-burial/a-36309633

w

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.