Sa munti ko pong akin laang, masasabi kong mahahatulang nagkasala si Unang Mahistrado Renato Corona ng Senado sa nagaganap na paglilitis.
Una po ay sa kabila ng pagpuna sa kakulangan ng kakayahan ng Prosekusyon, nakapasok naman po ang mga nagbabagang katibayan ng kanyang pagkakasala.
Limiin po natin na ang mga Senador ay mga Nilalang ng Pulitika. Sa susunod na halalan ay mahaharap ang ilan sa kanila sa husga ng taong bayan. Gano’n din naman po ang ilan sa mga kasapi ng Prosekusyon na nakatitig na may luha sa mata sa Senado. Kung hindi pupunahin ng Senado (o ni Miriam) ang kalidad ng daloy ng paglilitis sang-ayon sa Prosekusyon o kakayahan o pagkatao ng bumubuo ng Prosekusyon bilang mga manananggol, ang pama o kredito ng konbiksyon ni o pagpapatalsik kay Corona ay mababaling sa Prosekusyon. Sa isang pulitiko, isa pong sampal sa kanya kung ang atensyon ng tao ay nakatuon sa iba. Alam naman natin na maraming ama ang tagumpay. Sa matinding pagpuna sa kakayahan ng Prosekusyon, lumalabas na mahahatulan ng pagkakasala si Corona dahil sa malawak na pang-unawa ng Senado. Samakatuwid magpasalamat ang bayan sa Senado sa paglilinis ng pamahalaan lalong-lalo na ang Hudikatura na sa kabila ng kasalatan sa dunong at karanasan ng Prosekusyon, pinangunahan ng Senado ang pagpapatalsik kay Corona. Sa mga abogado, alam nila na kung ang hukom ay madalas punahin ang isang partido sa paglilitis, kadalasa’y ang pinupuna ang namamayani o nanalo. Ito’y isang paraan upang hindi maakusahan ang hukom ng pagkiling sa isang partido na magiging dahilan ng Inhibisyon. Asahan natin na sa paglabas ng hatol laban kay Corona maririnig natin sa mga panayam, “sa kabila ng kasalatan sa alam ng Prosekusyon, minarapat ng nakararami sa Senado na alisin si Corona upang sundin ang damdamin ng nakararaming Pilipino.” Sa makatuwid, “amin ang kredito at hindi sa Pangulo o mga baguhang miembro ng Prosekusyon“. Alalahanin po natin na ang proseso ng Impeachment ay hindi isang asuntong sibil o kriminal. Iba po ang antas ng katibayan o kalidad ng ebidensiya. Ang katanungang nararapat na sagutin ay kung sa kabila ng lahat, nararapat pa bang manatili sa kanyang tanggapan si Corona?
Ang pangalawang dahilan ay malalagay sa alanganin ang Pangulong Aquino.
Inilagay ng Pangulo ang dangal ng Panguluhan sa paglilitis ni Corona. Matinding insulto ang naranasan niya noong ibasura ng Korte Suprema ang Truth Commission. Sumunod ay ang TRO upang payagang maka-alis si GMA sa kabila ng pagpigil ng Kagawaran ng Katarungan. Ramdam niya mula sa ibutod ng kanyang bituka, pinaglalaruan siya ng Mataas na Hukuman. Bilang Pangulo, mayroon din naman siyang mata at tenga sa Korte Suprema sa katauhan ni Mahistrado Sereno.
Hindi lamang kailangan ng paki-usap ang mga mambabatas na may kapangyarihan sa Impeachment, kailangan din ng himas ng pondo upang maging madali ang pagtakbong muli sa kapangyarihan. Kung kaya naman sa mga nakaraang isang taon at kalahati, ikinulong ang malaking bahagui ng salapi ng pagawaing bayan sa baklad ng Ahensiya ng Pananalapi. Maliwanag ang dahilan: ang halalan ang pinakamalakas na wikang madaling maunawaan ng isang pulitiko. Walang Pangalawa o Pangatlong Plano. Iisa ang kahihinatnan: tanggalin si Corona. Sapagka’t kung mabibigo, bigong pangulo si P-Noy. Sa kabiguan sa paglilitis o kung sakaling mapapawalang sala si Corona, may termino ang mga sabungero sa kalagayan ni P-Noy na sinarili ang pusta sa parada: Sambot na Pangulo. Sa kaisipan ng isang Unico Hijo, kailanman ay hindi magyayari ito.
Sa kabutihan naman, marami sa Senado ang nakiki-isa ng damdamin sa Pangulo na nakikita nilang walang pangsariling ambisyon makalipas ang 2016.
0 Comments