Maraming lugar na kung binabanggit ay may pakahulugan kung ano ang pinapakay ng mga dayong pumupunta roon.
Katulad ng Culi-Culi sa Makati na itinampok sa talambuhay ng isang 14 na taong gulang na Jejomar Binay na minsang naging tagahanda ng mga palangganang may mainit na tubig upang ipanghimasa ng mga belyas ng mga Kabaret doon.
Sa Singalong naman ay maa-alaala na minsang dinayo ng mga sundalong Amerikano matapos malinis ang Maynila ng mga Hapon noong 1945.
Ang Sta. Ana ay isang ring distrito ng Maynilang taludtud ang Salonan circa 1935.
Sa ‘di nalaunan, Pasay ang pugad ng negociong aliwan. Sa Davao, naulinigan kong ipinagmalaki ng isang guro ng batas sa Pamantasan ng Pilipinas na si Bart Carale na minsan ay naging panauhin siya sa Panabo, isang tanyag na lugar na ang bansag ng mga matatanda ay sagingan, eyupimismo ng brothel.
Sa kasalukuyan, Pasig naman at Cuneta ang mga oasis ng panandaliang parausan.
Ang bawat lungsod o bayan ay may itinanging mga sitio o barrio na malayo sa tan-aw ng mga seladora o mga konsebatibong manang ng simbahan. Sila marahil ang Ombudsman ng Kura Paruko kung sakaling may mga nagtatayo ng barikang negocio. Sino kaya ang mga parokyano ng mga paradahang ito?
Wala nga namang lalamnan ang sermon ng pari tuwing linggo kung walang ulat ang mga seladora. Kasama na rin sa ulat kung sino ang mga madalas puyatin sa salonan. O kung sino na ang may katipan doon. O kung sino ang nadaya sa tagayan at nabulsot sa pulasi. O kung sino ang hiniwalayan ng asawa dahil sa pagbabad. O kung si Kapitan, Kagawad, at Meyor o si Judge ay namataan sa pinto ng salonan alas 4 ng madaling araw. Malamang na hindi makatulog ang manang na nakasaksi ng ganitong pangyayari. Hindi pa binabatingaw ang malaking kampana’y nasa kumbento na at bumubulong na sa Kura Paruko na takip ang ilong ng abito na malamang na pag-iwas sa simoy ng hiningang hindi pa nagmumumog o binaldiyo ng kapeng barako.
Sa makatuwid, kapag salonan ang usapan, ligal ang tsismis sapagkat moralidad ng komunidad ang tatalakayin ni Father.
Dito sa Calauag, Dulo ang tawag namin doon sa lugar ng mga salon. Panahon pa yata ni Tomas Morato ng itayo ang mga salon sa Barrio Sabang. Marahil, dito pinayagang mamayagpag ang mga salon sapagkat malayo sa paaralan at simbahan sa Poblacion.
Malaki at malawak ang Sabang noon. Halos karatig na nito ang Barrio Dominlog at Patihan. Ang lalao dito ay mababaw at dito ang pinakadulo ng Sea Wall na ipinatayo ni Morato. Dahil pinakadulo ng sementong Sea Wall, ito ang naging taguri ng Sabang. Maraming mga salonan ang itinayo sa Sabang: nariyan ang Mabuhay, 3 Stars, Moonlight, Smile, at ang pinaka mapangahas ay ang sikat na Floating.
Bakit Floating ang ipinangalan sa salonang ito? Dahil sa lalao ito itinayo, nakalutang, at mararating mo lang kung tatawirin mo ang mahabang kawayang tulay patungo roon. Marahil ay maraming lihim na itinatago sa Floating na malayo sa ulinig ng mga seladora.
‘Ika ni Osom Olalde, “Naku huli Na kayo. Ito ang line up ha. Una, Floating rightside. Sa pagpasok Sa Sabang uno lalao pa noon. Pangalawa, Three Stars. Sa kaliwa yuong tapat ng bahay ni Pacho (Urrutia). Pangatlo, sa kanan Mabuhay unahan ng pagkalampas ng bahay ni Pacho. Ang pang apat ay Smile bandang kaliwa naman!”
Hindi na seguro natin maa-alaala kung sino ang mga may-ari nitong mga salong ito. Subalit ‘ika ni Boy Lacar, “Mala ninyo ang mga cabaret, pero onis ang mga sumusunod? Teddy Peralta, Edyong Peregrina, “Boltik” Escobar, Pura, Tony, Ado “Balikat” Francisco?” “Hahaha alalik ko lahat yan pati sina Mike Cesar Dinglasan at Boy Ulo!” pahabol ni Osom. Sila ang mga operator ng mga cabaret sa Dulo. Pinagpipitaganan ng mga taga Municipio at Hondagua dahil kung wala pang sweldo, nakakapirma ng IOU.
Karaniwan mga amang matanda natin ang lumalampi dito. Tulad ng lahad ni Emil Leonor, “Naalala ala ko pa naglalako ako ng balut sa gabi … 20 centavos pa ang isa. Nakita ko lolo ko na Secretario ng Bayan na may katable . Pinag bilhan ko ng balot .. Binili niya lahat at pina-uwi na ako, hahaha .. Sa 3-Star yun.”
Dagdag naman ni Arnell Saavedra, “ahh salonan ng lolo namin ni Insan Demosthenes Totoy Hedriana kay Lolo Sayas Cansado…dami nila mga bobets mga Bicolana….”
Karamihan nga naman noon ay mga Bicolana na ang wika at galing sila sa Polangui. Marahil nagkaroon ng hindi kaaya-ayang reputasyon ang Bicol dahil nga naman duon nanggaling ang mga Baylarina sa Dulo (bukod pa rito ang parang walang modong pagsakay noon ng mga galing Sipocot sa tren na halos okupahin na ang upuan at daanan nito pagdating sa Tagkawayan at Calauag at halos karamihan ng mga tauhan sa niogan ay galing Bicol. Subalit malaki na ang saliwat ng kapalaran. Mga taga Calauag na at hindi galing Bicol ngayon ang mga mang-aaliw sa mga beer house nito).
Dito sa salonan natin natutunan marahil ang aral ng “the Birds and the Bees.” Lahad ni Vince Eleazar, “That’s where I earned my first Masters and Doctors degrees! Madami akong naging professors and teachers noon. Yup Bowling Alley by day and night then lodging house with banig and kulambo after midnight. May curfew baga kaya stay in, hahaha. Ang mga school admins noon ay si Ka Tonyo, Robert, and Ate Nora. Ang tuition noon simula ay P4 per hour.”
Tanyag ang Dulo noong araw. Dinadayo ng mga taga ibang bayan. Kapag may nadiskaril na Tren sa Del Gallego, maraming mga pasahero ang nagpapahatid sa Calesa ni Ka Liloy upang kitlin ang oras sa Dulo. Hindi lang mga stranded ang parokyano. Pati mga marinero ng Hondagua, mga Griego ng mga barkong naghahatid ng Trigo sa Philippine Flour Mills ni Puyat.
Maraming cuentong kumalat na kapag napuno ng Griego ang mga salonan, hindi makalakad ang mga Baylarina kinabukasan. Karamiha’y paciente ng albularyo sa Quinal-in na nagpapatapal ng sambong sa masasakit na parte ng katawan. Marami ring sumikat na mga Hurnal at Pulis ng Calauag na nakipagbabag sa mga nagbubusang Griego na nadukutan ng mga Belyas. Isang umaga’y nagiistorya si Edring Cabangon kung papaano pinabagsak ng isang sikwat ng idolo kong si Joseph Baldias ang isang nagwawalang Griego sa tapat ng 3 Stars. Tsismis? Marami. Madalas magbusa doon ang namayapang si Jimmy Valena, ang Huwes ng bayan. Matunog ang alitan noon ni Meyor Gardo Cabangon at Judge. Minsa’y nalasing si Judge at nagwala sa Mabuhay. ‘Ika ni Meyor Gardo, “walang Huwes-Huwes. Kapag nanggugulo, arestuhin.” Kaya tumalima ang pulis na si Torres at kinaladkad patungong Municipio ang butihing Judge at ideneposito sa kalabos. Alas 5 ng umaga, dumating si Tentay (ina ni Judge) at tinubos ang anak. Pilato ang tawag ng marami kay Judge. “Sus naman si Pilato ng MTC, summa cum laude naman sa lakas ng boses. Ginir hanggang sa otnak ni Carillo. Nose bleed pati mga Polangui coeds kasi laging English ang atilas. Okbat o ogat naman pag padating na si Boy Kalabaw (Boy Francia) at Agat (Cabangon), ang mga enforcer ng mga school admin. Ang lalaki baga. Nagdidilim ang kalsada.” giit pa ni Vince Eleazar.
Bida naman ni Buda Sidiangco, “lahat ‘ata ng kalokohan nasa amin na noong araw sa salonan. Ikaw ba naman maging isa sa adopted sons ng mga MureL, (courtesy of) Genie (Lerum) kaamas mga opisyales ng Kampo….logging baga?” May pahabol din si Joel Danseco na taga Tulay, “May kanta pa nga dyan dati bata pa ako naririnig ko na with the tune of kundiman… The song goes like this…. “Kung ang hanap mo ay ligaya sa buhay sa DULO ng Sabang doon manirahan; Sari-saring p.kp.k doon matitikman; May bentesingko, may singkwenta, at may piso…..”
Maraming away ding pinagdaanan ang ilan sa atin doon. Si Totoy Dimalanta ay nakipaglabunusan sa isang dayong Hondaguahin, “Naalala ko un 3-Star, dyan kami nagpang abot ni Yotib Tolentino ng Hondagua, kutnusan ha ha ha . . . Kasama ko si Johnny Barcelos yung atab n’ya ang ka table ni Yotib. . . Babag na ha ha.” Ganun din ang pahayag ni Krugez Junior, “’Di ko makalimutan d’un si Lillibeth atab ni Brad White (Seguerra) pag nasa Maynila ako sumasalisi.. Taon na pinanatayo ni Kuya Joe (Seguerra) ang livelihood.” Hindi sinabi ni Krugez kung nabarukbok niya si Lillibeth.
Dalhil dagsa ng tao ang Dulo, lokal at dayo, matining ang negocio. Maraming nagtayo ng Carinderia at Lugawan. May Bibingkahan at Tubaan. Itinayo ni Pacho ang kanyang Bowling Alley sa Dulo. Bolingan ang tawag sa landmark na ito ng Calauag. Ang mga bowling lane nito ay gawa sa pulang Narra galing sa Upper Calauag at Tagkawayan. Namamayagpag ang Sta. Cecilia Sawmill ng mga Morato sa Pinagtalleran. Maunlad ang bayan ng Calauag noong mga panahong yaon at maraming mga binitbit si Morato na mga tauhang kapwa Mestizo sa Calauag at doon na nagka-asawa.
Dahil maganda ang ekonomiyang lokal, maraming parukyano ang DULO. Lalo na yung mga nadaya sa tagay at malamang masampiga ng asawa sa uwian. Pahabol pa ni Boy Lacar, “Atab pa ako noon, nag lalako ako ng tulab. Minsan si Konsehal “D V” may ka table pero ngalok ang arep. Naki usap na kung pwedeng maka- ngatu ng tinda ko. Awalad ang ka table niya. Sabi umatnop ako sa kanila kinabukasan. Pag atnup sa yahab nila, alaw siya sa bahay. Awasa ang naka-usap ko. Tinanong ako bakit me ngatu sa nika (si Konsehal). Well, sinabi ko ang ibas sa akin, ahukin sa kanila. Nagka bistuhan tuloy.” Si Ganie Avila naman ang sumingit at ang sabi’y sila ang Screening Committee ng bagong recruit, “40 years ago, barkada namin ang sweeper ng 3stars at kami rin ang welcome committee ng mga bagong recruit na belyas.”
Panghimasmas ang lugaw ni Mang Ebio at Bibingkahan ni Mercado. Pahabol ni Osom, “Sa lugawan ni Mang Ebyo at Bibingkahan ni Mercado y’ong malaking bibingka na ang inumin ay sarabat! Special bibingka ay may halong itlog!” Makakapamili ka pa ng parte ng manok sa arroz caldo: hita, pecho, isuy o pakpak. Sa sabungan namimili si Mang Ebio ng panghalong manok y’ong mga nasambot. Dahil wala pang pressure cooker noon, minsan kulang sa laga kaya maganit. “May nagtitinda roon ng bibingka pag hapon. Binibiro ko pa yong nagluluto. Sabi ko tagal maluto. Yan na lang bibingka mo ang bibilhin ko. Ang sagot mg tindera ‘Ah di pwede ito dahil ito’y napakamahal’ at inginuso ang salonan at sabi, ‘doon ka pumunta ng makamura ka.’ ha ha ha ha,” dagdag ni Frank Acho Veluz. ‘Ika pa ni Acho, “madalas ako pumunta sa Dulo dahil barkada ko yong singer na sina Roger Amparo at Armando Luz.”
Tuba ba ‘ika mo? Ako’y suki sa Tubaan, kasama ni Alejandro Boy Mendoza. Pinapakyaw namin ang Tubang Bahal. Ayos din ang sipa kahit na may latak na caterpillar at langaw. Siguro dahil sa latak ng Bahal, matibay ang naturaleza ko sa sakit.
Pati si Tata Turing Francia ay may ambag sa usapang ito,” Walang tatalo sa amin ni Pareng Ato Olviga. ‘Pag salunan ang pag-uusapan natable kaagad ang partner namin from morning until dawn, he he he.” Ang binabanggit ni Tata Turing na kasama niya at barkada ay ang namayapang si Ato Olviga, kabiyak ng puso ni Ka Fely Olviga, ang may-ari ng concession sa pantalan, ama ni Bernie, at kapatid ng aming kaklaseng si Toali Olviga.
Sa ngayo’y exclusive subdivision na ang Sabang Uno. Doon nakatira ngayon ang mga pinagpipitaganang propetario ng Calauag. Sabang Dos na ang karatig nito. Dahil nga napakalaki ng Sabang, minabuti ng Konseho ni Meyor Cabangon na hatiin ito. Ang Sabang Dos na ang lugar ng karamiha’y mga mangingisda at informal settlers.
Wala na ang bahid ng Dulo. And Dulo’y pahapyaw na alingawngaw na lamang sa ating nilulumot ng memoria. Lumipat na sa Sitio Jugos, Sta. Maria at Marilag. Wala na ring mga Bicolanang uma-aliw sa mga lokal na panauhin o dayo man.
“Taga saan ka Nene?” tanong ko minsang napalampi ako sa Jugos.
Sagot niya, “ay si Kuya Sonny baga, pinsan mo si Nanay, ay.”
0 Comments