Mang Angel
Malamang taong 1960 yaon ng ako ay itawid ng aking Inang Matanda mula sa Quezon, Quezon dahil papasok na raw ako sa Kindergarten ng Parokya ni San Pedro sa Calauag. Natural, sakay ako ng lanchang Oliva (wala pa noong Sibiran o Bankang de Katig na pinatatakbo ng Briggs and Stratton) at bumaba kami sa Pantalan ng Calauag sa Pinagtalleran. Dahil matagbik, nabasa ang aking buhok na dalawang buwan na yatang hindi natatasahan. Pagdating ko ng bahay sa Paang Bundok, matigas na nakatayo ang aking balumbon na parang na ambunan ng hair spray. Kapagkita sa akin ng tatay ko, ‘ika nya, “guyo ka na. Halika’t dadalhin kita kay Angel.”
Magandang pangalan ang Angel. Sa isang batang limang taong gulang, para akong nakakita ng isang mamang may pakpak, matangkad, at mukhang Amerikano (dahil ang lahat ng santo, santa at angel na nakabantay sa mga pinto ng Simbahan at hawak ang kabibeng dawdawan ng daliri na ipangkukurus bago ka pumasok doon, sa tangos baga ng ilong). Dahil Angel ang pangalan, naguni-guni ko ng magaan ang kamay ng unang Barberong tatabas ng matalahib kong ulo (kumpara sa tatlong barberong rekomendado ng aking Amang Matanda sa Quezon, Quezon na halos pisatin ang bubot kong bao).
Malapit lang sa amin ang barbershop ni Mang Angel. Katabi ng bahay ng mga Arandela at katapat ng mga Peralta. Iisa yata ang upuan ni Mang Angel at nakapila ang mga batang gugupitan. Karamiha’y mga batang nakatira lamang sa kalapit. May nag-iiyak, may nagmumukmuk, at may naglalaro. Hindi ko agad nakita si Mang Angel. Ang hinahanap ko’y kahawig ni FPJ na mukhang bida dahil nga sa pangalan niya. Inginuso sa akin ng tatay ko ang barberong halos nakatingala at may banquitong tinutuntungan dahil ang guinugupitan niya nuon ay si Mando Lacar.
Mailiit na mama si Mang Angel. Malamang four-eleven lang siya. Kulot ang buhok. Nakakunot ang makapal na kilay. Nakapolong puti at nakikinig ng radyo. Noong mga panahong yaon, sa ranggo ng mahahalagang tao, pang-apat sa linya ang barbero. Una ay alcalde, pangalawa ang kura paroko, pangatlo ang hukom pambayan. Maraming parokyano ang barbero lalo’t Sabado at Linggo. Pila ang mga guyo. Dahil nga ang kalakaran noon good grooming. Lagi kang bagong paligo, bagong gupit, bagong damit, at dapat mabango.
Malakas kumita ang mga barbershop noon at parokyano ang lahat ng kalalakihan, bata, teenager, at matanda. Sa kababaihan naman ay beauty parlor at uso ang Tiss at Kulutan. Idol ko ang mga pari noon. Si Mons. Medrano laguing bagong gupit at maquinang ang pomada. Si Father Perez naman, crew cut. At si Fighting Priest, Father Liwanag, flat top.
Gupit Bao
Mabilis gumupit si Mang Angel. ‘Di nalaunan, torno ko na. Dahil nga bata ka, may nakalaan kang banquito sa barber’s chair. Abot naman ako ni Mang Angel, dahil bub’wit pa lamang ako nuon. “Anong gupit ito, Mang Ino?” tanong niya sa erpat ko. “Tirhan mo lang sa tuktok. Ahit lahat pababa. Makapal ang buhok ng batang yan,” sagot ng tatay ko. “Oo nga. Isang buwan lang, guyo na naman ito,” turol ni Mang Angel. Dahil nga natuyo ng tubig dagat ang buhok ko, nginatngat ng manumanong maquinilya ang anit ko. Maluha-luha ako. Nang manipis na, inihanda na ang labahang kumikislap sa tama ng araw sa katanghalian. Hinasa muna sa batong nakalundo na pinudpod ng aserong labaha. At ipinasada sa mahabang cuerong kasingtanda na ‘ata ni Magellan.
At doon magsisimula ang ikatlong misterio sa hapis. Masakit mag-ahit ng ulo si Mang Anghel. Hawak ng kanang hinlalaki ang bahagui ng ulong itinataas habang pababang inaahit naman ng kaliwa. Contra-puntal. Masakit. Rinig mo ang kagat ng labaha sa bawat hibla ng buhok mo. Subalit ni minsa’y hindi ako nasugatan. Yaon ang milagro ng Angel. Kapag tinanggal na ang inarmirol na balabal, duon na ako makakahinga ng maluwag dahil alam kong sopat na at babanlawan na ako ng hair tonic at kukulapulan pa ako ng Johnson’s Baby Talc. Ibang klase ang simoy ng barbershop ni Mang Angel, parang first class, marahil sa dami ng kanyang mga kliente.
Gupit Bao ako hanggang grade two. At sa loob ng humiguit kumulang na apat na taon, loyal customer ako ni Mang Angel.
Mang Preming
Noong nasa grade three na ako, sumikat y’ong Gupit Chato. Parang Gupit Hapon y’un. Variance ng Gupit Bao. Medio makapal lang ang natirang buhok sa bunbunan. Narinig kung magaling sa Chato si Mang Preming, ang Batanguenong barbero. Ang barbershop niya ay nasa tabi ng Dapula at kahilira ng mga Inumerable. Maraming poster ng estilo ng gupit si Mang Preming. May larawan pa ng Ina Ng Laguing Saclolo.
Mabilis ding magupit si Mang Preming. May cadence, ‘ika nga. Ang labaha niya’y halos mapudpod na rin sa kahahasa. Dating malapad ang huguis, ‘di nalauna’y natunaw na rin yata sa talas naman ng batong hasaang Sariaya. Hindi masakit mag-ahit si Mang Preming. Malakas ang pulso, subalit hawak niya ang ulo mo. Masarap mag-ahit dahil sa talim ng labaha. Parang kinakayod niya ang tuktok mo at lalabas na napakakinis. Kausap din niya ang mga suking maestro nakatayo sa harap ng kanyang shop. Malamig ang pakiramdam kapag hinaplos kana ng kanyang luntiang hair tonic.
Mga 1990s bumalik ako kay Mang Preming. Hindi na Chato ang tanong niya. Barber’s Cut na ‘ika ko. Subali’t hindi gupit ang sinadya ko talaga kundi ang kanyang pambihirang pulso sa pag-ahit ng baang. Gamit pa rin niya ang bertudang labaha. Maquipot na ang dulo. Kahit loob ng tenga mo kayang kalikutin. Lahat ng bahagui ng mukha ko’y nadadaloy ng kanyang matalim na labaha. Pati tenga ko’y yanong linis. Batok at noo.
Alingawngaw ng Bibig
Word of mouth kung baga kung bakit ako lumipat kay Mang Beti. Ang barberia niya ay sa tabi ng Leyco na ngayo’y Villa Paraiso ni Gng. Juliet. Dati’y nasa lote ng Villamayor ng masunog ang kanilang gusali at naki-puesto sa Terminal ng Superlines.
Magaling daw sa Gupit Binata si Ka Beti. Si Tata Beti Laging may kausap habang nagugupit. “Solid Beti mula gupit bata hangang gupit binata,” ‘ika ni Joel Danseco. “Nakikialam pa nga sa nagdadama minsan, hahaha,” dagdag pa ni Joel.
At dahil nga mga High School na kami, Gupit Papogi na ang gustong dating. Lalo na kung compliant sa specs ni Mr. Seguerra at Mr. Borromeo, mga hepe ng PMT sa Central at St. Peter. “Two fingers white side wall!” bulyaw ng nasirang Philip sa formation sa Lunes ng umaga.
Kabayan
Si Kabayan ay kapitbahay ko sa Paang Bundok. Labing apat na taon yata ako ng lumipat ako ng pagupit kay Kabayan. Dahil nga Bicolano si Kabayan, lahat ng suki niya Kabayan ang taguri niya kaya Kabayan din ang tawag sa kanya. Hindi ko nalaman man lang ang tunay niyang pangalan. Kaya ako lumipat kay Mang Rudy sapagkat pinaki-alaman ni Kabayan ang kulugo ko sa kanang bahagui ng ulo ko. Siguro, dahil sagabal sa ahit niya, binunot kaya ‘ayon, nagdugo.
“Alamat ng Estacion”
Sinubukan ko rin si Mang Rudy. Hindi ngumingiti at tahimik lang kung magupit. Magaling siyang bumalanse ng patilya. Sikat siya sa Estacion at Sta. Maria dahil sa mga poster ng mga modelong nakabikini. Doon ko ‘ata nakita si Phoebe Cates na naka-two-piece.
Palengke Territory
Mata-o ang palengke. Nandun ang mga siga ng Calauag. At mga negociante, Chino at Batangueno. Ang sikat na barbero doon ay si Tata Olie Manalac, kapatid ng pulis. “The late Tata Olie Manalac ang paborito ko…Gupit Bao from Grade 1-4. Lumipat ako kay Mang Preming…Gupit Binata na…with Tancho pomade. Pag walang-wala kahit langis ayos na din,” ‘ika ni Toali Olviga.
“Tancho ang pamada ko. Iisa lang ang barbero ko yong nasa Baclaran na ang barbershop nasa tapat ng bahay ni Yuis (Batica). Ayaw ko d’un dahil umaga naghihimas ng manok at amoy ko pa ipot habang guinugupitan ako pero d’un gusto ng Nanay ko,” ambag ni Frank Veluz at hindi n’ya napangalanan ang maguiting na barbero ng Nanay n’ya. ‘Ika naman ni Ganie Avila, “favorite ko si Mang Cenon Segala (not sure na ang name Tatay ni Lito) at si ANGEL…Dahil libre….hehehe….kamag anak..” Barangay Dos si Tatang Cenon Segala, ama ni Litong Pusa. Kahilera sa Quezon Street ang barberia ni Konsehal Mendoza, barbero sa umaga, musikero sa hapon. “Kay ex-Kagawad ng Bayan Tinong Mendoza at right hand na si Dading: wahe sa kaliwang side, nagbinatilyo katapatan lang ang puesto ka Fabie naman siete 7 na,”mutawi ni Buda Mendoza Sidiangco. Ang siete ay style ng ahit sa patilya. “Pomada ng mga auks noon ay porvil,” ‘ika pa ni Buda. “Mang Fabi at Efren Cayno, sa tabi ng Farmacia Lavides at si Kuto Alvarez, si Ka Sito Cayno, tapat nila Lucido, si Angel as tapat ng CCC, si Mira Buenos, sa kanto malapit sa kila Jun Ester Jorvina, Konsehal Mendoza at Dading, Mang Cenon Segala. Before Tancho, Three Flowers at Atomic ang gamit ko,”survey naman ni Pascual Talento.
Gupit Bata
“Sa amin naman sa Quezon St., Purok 5 Baclaran, kakanto ng Klinik ng Tatay ko noon, si Mang Santos Francisco, magaling na barbero, lalo na sa “Gupit Bata”. Kung may pila hindi ka maiinip maghintay, kasi may pitsasan sila. Hahataw ka muna ng tako. Pagsarado naman, si Olie (Manalac). Ang isa pang barbero sa may kanto ng Quezon St. at kalye (ng sinihang Moylsa?) ang puntahan,” sundot naman ni Sammy Declaro. Sabi naman ni Nelson Barranta, “Si Mang Ano Geneblazo ‘di ka maiinip. Mahilig magkuwento habang nagugupit!”
Ngayon ko lang napansin na medio malawak ang Poblacion. Noong arao, hinahati ang Bayan ng Purok at ang Barrio ay Sitio. Kaya kami Purok 5, y’ung Palengke Purok 4, y’ung Plaza Purok 3, at Purok Uno Dos, lugar nina Tatang Adiong Francia. Kaya may kanyakanya tayong malapit na BARBERO.
UniSex
Meron tayong Chapter ng kasaysayan na kaunti ng maguing endangered species ang mga Barbero. Biglang nagsulputan ang mga UniSex Parlors bago magMartial Law. Trim ang tawag sa gupit noon kapag babae o Gay Beautician ang dedesinyo sa buhok mo. Halos hindi na nga nagpapagupit ang mga kabataan noon dahil sa uso ang bangs ng mga Beatles. Noong matapos ko nga ang ROTC, naguing kamukha ko si James Taylor. Ngayon, kamukha ko na rin si James, dahil maquintab na ang bunbunan niya. Bukod pa rito, pakapalan pa ng side burns dahil pina-uso ni Tom Jones. Subali’t ng ideklara ang Martial Law, nabuhayan na naman ng loob ang mga barbero dahil ipinagbawal ang long hair. Marami ng umiigi ang buhay dahil maganda ang kita ng barbershop ngayon. Sa tip lang nga buhay na. Sa Ayala Alabang at sa Greenbelt, uma-average ng limang libo kada arao ang quita ng barbero d’un.
Pinoy Shrink
Kung ang mga ‘Kano ay may Bartender, tayo namang mga Pinoy ay may Barbero. Maraming alam ang barbero, hindi lang magupit. Dahil may mga oras na naghihintay ng parokyano, nanood ng CNN o naquiquinig ng radyo o nagbabasa ng diario. Ang matindi pa rito, nakikipagtaguisan ng argumento sa mga maestro. Bunga nito, maraming naiipong mga kaalaman lalo na sa current events. Kaya ‘di ka dapat magtaka kung matalas ding maghilira ng opinion ang ating barbero. Maraming nalalaman tungkol sa bahay at sa bayan. At sa pag-ibig lalo na. Nangangantiao nga kung minsan kung walang nasagap na chismis tungkol sa ‘yo. Katulad ng barbero ko ngayong si Zaldy. Alam niyang sumasagot lang ako sa kanya kapag naglalagay na siya ng toilet paper sa leeg ko at kung kinakalas na niya ang balabal na pangharang ng guinupit na buhok. Marami siyang kwento habang nakapiquit ang mata ko. Para siyang si Ka Preming kung mag-ahit. Dalubhasa siya sa labaha at hinihintay ko ang masaheng finale na tinuturok niya ako ng siko niya sa balikat at ina-acupressure niya ang balugbog ko. Hihingi siya ng payo kapag pinapagpag na niya ang pispis ng buhok. “Anu kaya ang maigi sa Mahal ko Sir Sonny? Hinahanaphanap ko na eh kasi iba siya kung magmahal,” tanong niya. Dagli naman akong sumagot, “aba’y pakasalan mo na!” Matagal siyang tumugon, “hindi puede Sir Sonny….” “Bakit?” ‘ka ko. Malungkot ang sagot niya, “hindi pumayag ang Misis ko, Sir Sonny.”
0 Comments