Halos arao-arao kong naririnig ang mantrang ito sa Paang Bundok. Sa simula’y wala akong unawa kung anung ibig sabihin nito. Subalit madalas kung maulinigang ito’y binibigkas sa harap ng isang buntis o kapag may kanlong na batang pasusuhin. Dahil dito’y pinagtagni-tagni kung ito’y may kaugnayan sa nagdadalangtao o sa mga bagong luwal na sanggol.
Madalas nga dahil sa Paang Bundok ang industria dito’y paghulma ng bata. Walang puknat ang mga buntis dito kaya maraming botante o mga bagong binyag at maraming tao kapag may nilalamay.
‘Puera Balis’ ‘ika kapag may nasalubong na buntis o kargang sanggol at ako’y naganyak na rin mutawiin ang mantrang ito.
Naitanong ko si Inang Ani na lola ni Dolor kung anong ibig sabihin nito sa isang pagkakataong ako’y nalinsaran ng gatil sa paa at nagpahilot sa kanya.
‘Ika ni Inang Ani, “ang Puera Balis ay panguntra sa sakit o masamang kapalarang nakapaliguid sa buntis o sanggol. Maaring makuha ng buntis o sanggol ang sakit o masamang hinaharap at maaari rin naming ikaw ang apuhapin noon. Kaya kailangan mong suplahin ang nakapaliguid sa kanila.”
Pinaliwag pa niya na kung saktan ka ng tiyan o ulo, kailangang puntahan mo ang buntis o sanggol at magpalaway ka sa sentido. At kung ang buntis naman ang pinagsaktan o nagkalagnat ang sanggol, ikaw ang lalaway sa kanila. Kaya pala kung minsa’y maraming may trankaso sa Paang Bundok dahil nagkahawahan ng bayrus. Nausog ang tawag dito.
Kaya mula noon, lahat ng galugarin kong mga silong sa Paang Bundok o Pinagkamaligan o Sabang o sa Uwak at Semento sa bayan ng Quezon man kung ako’y may inuulot na tandang na ‘di pa pungos binubulong-bulong ko ang “Puera Balis.” Kapag minutawi ko na, parang lumalakas ang loob ko at nakaramdam akong susuwertehin ako sa ulutan o sa Puladayun. Kahit ako’y nasa Solaire o Resorts World o Wynns o Las Vegas o Marina Bay Sands, nagpupuera balis ako. Maiigi na ang naniniguro, baka ang nakangiting Binibining Dealer ay sitnub o naglilihi. Madalas ako’y luhaang umuuwi at napobre ng pambuhay sa arao na yaon.
Supla Iniquit
Sa dahilang Tajor ang aking Amang Matanda, lahat rin ng mga pambatang sugal ay natutuhan ko. Tajorito ang tawag sa akin nina Kuya Aladin at Kuya Adonis. “Iya, itong batang ito ay lahat na laang ng laro at sugal calle ay alam. Tajorito nga. Isusumbong kita kay Nanang Toyang.”
Maipagmamalaqui kong madalas akong umuuwing may ngiti sa mga labi dahil nalalus ko ang aking mga katunggali.
Natutuhan ko rin ang oraciong Supla Iniquit. Sa kabangan pa lamang, inuusal ko na ito. Kadalasan, mano ako. Kapag malakasan na ang tayaan at nababago na ang regulasyon ng laro gaya ng bato-taya o maalin o kuryentehan, hindi na ako umuusal, pasigaw na dahil ayaw kong masambot o malutating.
“Supla Iniquit, sa ping-ping didiquit!” Natural, galit lahat ang kalaro ko. Madalas mapikon si Rading Pitaka. “Yano naman ay, walang suplahan.Nauuyo ako ay!”
Malaki rin ang paniwala ni Rading Pitaka sa Supla Iniquit. Pagkatapos ng aming taching, magi-ipon si Rading ng sariwang puhunan at hahamunin sina Kulafo at Oti subalit inetsepuera na ako na tinawag niyang suplador. “’Wag nating isali yang si Suplador, mang-uuyo yan!”
Tabi po Apo!
Dahil wala pa namang Shoe Mart o iba pang malalaquing mall sa Calauag at bayan ng
Quezon, guinagalugad ko ang karatig na mga linang. Sa Bulo ay may ilog na mayaman sa takla at kuray. Kapag kasama ko ang aking Inang Matanda, puno ang kanyang bagaok nito na hinuli ng kanyang pinsang buong si Tatang Ipe. Kumpleto ang lahok kapag pabayan na kami: panggata, puso ng pik-iw, talbos ng kamote, at kalabasang maligat.
Sa Cagbalugo’y gay-on din. Maraming sapa at daliri ng ilog sa Cagbalugo at Bulo. Gan’un din sa Makatoi at Lerong sa bayan ng Calauag, at San Roque sa bayan ng Lopez. Galugad ko ang mga ito.
Nagtataka ang aking Inang Matanda kung bakit kapag tumatawid kami ng sapa may pinapagpaalaman ako: “Tabi po Apo, dadaan ang labo!” ‘Ika ng aking Inang Matanda, “ano ba ‘yang pinagsasabi mo. Sino yung Apo?”
Nagmamaangmaangan ang aking Inang Matanda. Alam niya ang aking inuusal. Subalit dahil siya’y madasalin at kasapi ng mga seladora sa simbahan, ayaw niyang ituro sa akin ang ganuong pamahiin. Kung minsa’y gusto ko ring itanung sa kanya kung sino yung Kristo na lagui rin niyang sinasambit sa Oracion.
Sa Paang Bundok kay Dupong na anak ni Ka Bestreng Panday ko natutuhan ang Tabi po Apo.
Kalaliman naming nilalakad ang Makatoi. Maraming sapa sa Makatoi at tanyag ito sa puno ng Klam at Liputi. Malagubat ang Makatoi nuon.
Paborito ko ang Klam dahil may ritual ito bago kainin. Kahit hinog kailangang quiliquisin mo ito sa iyong mga palad hanggang sa lumambot.
Parang salamin sa linaw ang mga sapa ng Makatoi. Ang mga sapa naman sa Canda, Lerong at San Roque’y amoy sasa: simoy maalingahit.
Kapag nauhaw si Dupong, hahawiin niya ng padampi ang ibabaw ng sapa at saka iinumin ang kinadlung tubig sa kanyang malipak na kamay. Subalit bago siya lumusong, magpapa-alam muna: Tabi po Apo. Samurang isip natanong ko si Dupong, “bakit ka nagpapatabi? Sino si Apo?”
‘Ika niya’y si Apo ang bantay ng mga ilog at sapa. Kailangang bantayan ni Apo ang mga yamang ito sapagkat baka pagdating ng arao ay wala ng mapag-igiban ng matamis na tubig ang tao at mawalan ng daigdig o tirahan ang mga isdang ilog, hipon at katang. Dagdag ni Dupong, “mahigpit si Apo. Kapag ‘di ka nakisantabi pahihirapan ka. Kung may kukunin ka sa daigdig ni Apo, kailangang sapat lamang sa iyong pangangailangan. Mag-iwan ka para sa iba. Hindi lang ikaw ang may kailangan sa mundo ni Apo.”
Pahabol na tanong ko’y kung may mga kasama ba si Apo sa pagbabantay ng gubat. “Marami,”sagot ni Dupong. “Ang mga puno, baguin, at ulat ay may mga papel na guinagampanan na isinulat ni Apo upang kanikanilang tupdin,” dagdag ni Dupong. “Kung walang pasintabi, anu’ng mangyayari?” tanong ko. “Aba’y daratnan ka ng sakit na walang lunas ang doctor. Sino ang gagamot? Kapag naanayo ka, magpapasuob ka sa albularyo. Tawas lang ang katapat n’yan. And’yan naman si Inang Ani. Kilala niya ang mga alagad ni Apo sa paliguid ng Paang Bundok,”panghuli niya. Dahil kilala pala ni Inang Ani ang mga kampon ni Apo, lumakas ang loob kong pasukin pa ang dako pa roon ng Makatoi.
Nakatingala lang ako kay Dupong subalit pakiramdam ko’y hindi ako ang kausap niya kundi si Apo sa tinig na maypakiusap. Grade Four lang ang alam kung tinapos ni Dupong subalit ang kanyang mga sinabi’y ito marahil ang tinatawag na sibol na dunong.
Minsang napunta ako sa Tagkawa kasama si Edo Boy. Karagdakang daraan kami sa isang sapa, agad ng bumulalas si Edo Boy ng pasintabi: “Tabi po Apo, dadaan ang labo!” Ganun din naman ako subalit ako’y nagtaka kung bakit dinagdagan ni Edo Boy ng “dadaan ang labo.” “Dapat lang,” salo ni Edo Boy, “hindi alam ni Apo kung malinaw ang mata mo. Ay kung matisod mo, magagalit sa ‘yo yun. Sabihin mo ng labo ang mata mo’t patatawarin ka agad!”
0 Comments