May nagsaliksik na kapag ang isa raw tao ay palamura, may angking talino raw. Ano naman ang primerong mura ng Pinoy? Op kurs, Putang Ina.
Subalit ang murang ito ay maraming kahulugan. Ibang-iba ito sa saling salitang Ingles na son-of-a-bitch o SOB. Sa mga Amerikano, kapag tinagurian kang SOB, ibig sabihin, medio sui generis ka.
Naaala-ala mo ba ng sabihin ni Senator J. William Fulbright noong panahon ni Ferdinand Marcos na ang Pilipinas “has 50 million cowards and one son-of-a-bitch?”
Sa atin naman ang Putang Ina ay nasasabi natin kapag hindi natin inaasahan ang mga pangyayari o kaya natumbok natin ang ibig nating mangyari. Sa tuwa, galit, o gulat, at maguing lungkot man, namumutawi natin ang malutong na Putang Ina.
Subalit iba naman ang pakahulugan nito kapag may “ka” o “mo” sa dulo. Ayon sa mga Husgado dito, ang Putang Ina mo (ka) ay hindi tuwirang paninira sa kapwa tao.
Nabibigkas mo ang Putang Ina sa konteksto ng mga pangyayari o sa malawakang larawan ng pagkakataon. Ibang magmura ang mga Alanganin. May inflection o sing-song na tunog. Iba rin naman ang Putang Ina ng isang Barako. Iba ang Putang Ina ni Mar Roxas sa Ayala noong panahon ni Gloria Arroyo. At lalong iba rin ang Putang Ina ni Digong Duterte, ang Barakong Mayor ng Lungsod ng Davao.
Ang mga katagang ito ay verboten sa ating mga ninuno. Madalas akong macuero ng Ama kong Matanda kapag natiempuhan niya akong sinisitsaron ko ang Putang Ina habang niraratsada ko ang aking mga kalaro sa TatSing ng eswan o barya.
Bawal sa amin ang magmura. Kung baga PG-Parental Guidance o Rated R. Bakit kan’yo? Titser ang nanay ko at Seladora ang Inang Matanda ko. Sa totoo naman talaga’y hindi ko narinig na magmura ang Amang Matanda ko kahit na salat-bunot ang tama niya sa mahjong. Kahit ang tatay ko’y bihira ko ring marinig na nagmumura.
Subalit iba ang hubog ng pag-uugali ng mga bata noon. May ambag ang mga kapitbahay o kapaliguiran sa paghuhubog ng karakter ng isang musmos.
Laking kalye ako sa Paang Bundok. Ang away doo’y oras-oras. Natural, bumabaha ng “Putang Ina mo ka” ang magkabilang panig na hindi nagkakaintindihan sa tagay ng lambanog. Kung baga sa Tattoo ng Igorot, minu-minuto ang pukpok ng karayom na may dita sa balat ng aking hinagap.
Kaya ayon, nakaukit sa aking memoria.
Hindi tulad ngayon, ang karamihang mga bata ay halos nakakulong sa kanilang tahanan at sinusundo ng school bus o inahahatid ng magulang. Wala pa rin akong reklamo sa pangkasalukuyang pagpanday ng pag-uugali sa ating mga tahanan. Maliban sa mga street children.
Pagdating sa mga Paarala’y kasalimuha rin ang mga batang itinatangi o hindi nalalalinan ng maduming hangin ng kapitbahay o kapaliguiran. Sa ngayon TV o computer lang ang estranghero sa mga tahanan.
Mahigpit ang mga magulang sa pagsasala ng mga pinanunuod ng mga bata. Tama ang MTRCB. May klasipikasyon. May pambata at may pangmatandang panuorin.
Gustong pausuhin ni Digong Duterte ang mga katagang Putang Ina. Sa mga nakaraang dalawang buwan, libong Putang Ina na yata ang binitiwan ni Duterte mula sa kanyang mga labi. Pati ang Papa, hindi nakaligtas. Para lang mabawasan ang pagmumura, minabuti ng Obispo ng Davao na multahan si Duterte ng P1000 kada Putang Inang sinambit niya. Suspetsa ko’y stressed si Digong. Yaong pagmumura niya’y camouflage o kublihan niya sakaling dinadalahit siya ng kerbios. Ang dating naman sa mga parukyano niya, “Barako talaga si Digong!”
Ang siste, dinakot ng media dahil front runner na yaong mama sa survey. May kasalanan ba ang media? Hanap-buhay nila ang manggulat ng balita araw-araw. Parang walang censorship ang media natin. Iresponsable. Huli na ang beep sound na ipinangtapal sa Putang Ina ni Duterte. Sa TV Patrol, Saksi, 24-Oras, Bandila at iba pang mga News Cast si Duterte ang bida.
Sa katotohanan nga, aliw na aliw sina Joe Taruc, Kabayan Noli, Ted Failon, Mike Enriquez at iba pa sa pagmumura ni Duterte.
Dinig at putok sa prime time ng TV at Radio. Ang mga estrangherong ito ang nagpaparating ng Putang Ina sa bokabularyo ng mga bata edad apat hanggang pitong taon. Kalokohan naman kung sasabihin natin na hindi pa narinig ng mga walong taon pataas ang Putang Ina. Yaong apat hanggang pito ang nakakatakot dahil baka ganung edad palang magmumura na sa bahay at sa paaralan. Ibalibag na natin sa bintana ang value formation ng mga bata. Tutal aliw na aliw tayo kay Duterte na ang akala niya siya lang ang Barako ng Bansa.
Noong ako’y tumuntong sa High School, doon lang ako nagmura. At may wisyo na ako kung kelan ko ito bibitiwan. Dahil hindi mo na naman maitatago ang mga salitang ito sa ganung edad. Eh yaong apat hanggang pito? Baka pagnag-aalmusal kayo marinig mo, “putang ina namang sandwich ito walang lasa!”
Totoo naman na kailangan natin ang tulad ni Digong minus yaong mura upang mapanuto ang magulong palakad at kawalan ng disiplina.Maaring ngayon ang kanyang Tamang Panahon na binabanggit ng Banal na Aklat.
May sariling nitso ang mga katagang Putang Ina sa mga Pinoy.
Dapat nga magkaroon ng Digong “Putang Ina” Award na igagawad taon-taon.
‘Tang Inang buhay ‘to!”
0 Comments
Trackbacks/Pingbacks