Katataspulong

Atty. Sonny Pulgar’s Blog & personal website.

Singkong Duling

May 22, 2014Articles0 comments

ang oknis, bow!

ang oknis, bow!

Nakakita ka na ba ng Singkong Duling?

Duda ko’y wala pa dahil ang mga baryang kumakalansing sa bulsa mo’y ang pinakamaliit ay piso. Hindi mo na nga pinapansin ang bente-singko at diyes, kung ikaw ma’y masukliaan sa Puregold. Wala ng singko. Noong arao ang makapal at mabigat na singkong bagon ay may halong pilak at guinagawa ni Dupong Panday na singsing sa kanyang irog.

Darating ang arao, kahit ang piso’y ni hindi mo rin aalagatain.

Minsa’y pumarada ako sa McDo ng Matalino. Pag-alis ko’y kinatok ako ni Ramil, ang parking attendant ng McDo na kilala ko ng halos sampong taon na yata, at ang wika’y pipiso ang ini-abot ko sa kanya. Sa katotohana’y buong akala ko’y sampo ang nahaguilap ko. Pipiso pala. Kaya’t ‘ika ko kay Ramil, “pasencia na muna, wala akong pera.” Kumakamot man sa ulo’y alam ni Ramil ang ibig kong sabihin na sa susunod na. Alam naman niyang kung pangbili lang ng anti-biotic sa namamaga niyang kung anu man ay maalwan akong nakakapag-abot sa kanya.

Mabuti pa ang piso, hindi sinasabing duling. Singko? Matagal nang nawala ang singko. Ito ay limang sentimo sa kabuuhan. Bago ang singko, legal tender ang ‘san’sen. May kasabihang kung walang sentimo ay walang piso.

Subalit wala rin namang nagsabing kung walang singko’y lilinaw ang paningin mo. Nakaka-aliw ngayon ang daloy ng ating kasaysayan bilang namumuhay sa ating sariling pagpupunyagui.

Akin ngang binibilang ang taon mula nuong WWII hanggang martial law. O mula noong magkaroon tayo ng sariling saligang batas noong 1935 na pinagtibay ng pangulo ng America na si FDR: 36 na taon ng halinhan ng 1971 Constitution, na hinalinhan naman ng 1986 Constitution o 15 taon hanggang sa kasalukuyan.

Mula noong 1986, hanggang ngayon hindi pa natitinag ang 1986 Constitution o mula ng ito’y pagtibayin 28 taon na ang nakakaraan. Samakatuwid, ang martial law ay isang guimbal sa ating kasaysayan makalipas ang 36 na taon mula ng ipasa ang 1935 Constitution at 26 taon mula ng WWII.

Sa ngayon, 28 taon na mula ng ipanganak ang 1986 Constitution, marami ng kaguimbal-guimbal na pangyayari sa ating payak na kasaysayan. Parang gan’un ang parapo ng ating kasaysayan: may pagbabago o tipping point tuwing 25 hanggang 30 taon.

Ang Panguluhan

Mula kay Manuel Quezon hanggang kay Gloria Macapagal, ang laguing asinta ng ating kritisismo ay ang panguluhan. Laguing may kakulangan ang panguluhan. Si Quezon ay tumanggap ng blangkong cheke mula sa may-ari ng Ang Tibay na si Don Toribio Teodoro. Mahunang lider si Sergio Osmena. Binatikal ng granada ni Julio Guillen si Manuel Roxas sa paniniwalang ibenenta ng huli ang bansa sa mga Americano dahil sa parity rights.

Orinola ang naguing simbolo ng panunungkulan ni Elpidio Quirino. Kung hindi nasunog ang bangkay ni Ramon Magsaysay sa Mt. Manunggal ay malamang na tuta ng ‘Kano ang itawag sa kanya. Si Carlos Garcia naman ang naghasik ng patakarang Filipino First na minaliit ng mga ekonomista na hindi anya angkop sa isang sanggol pang ekonomia.

Noong panahon naman ni Diosdado Macapagal na ama ni Gloria, nabahiran ng duda ang kanyang intigridad ng isang puting mangangalakal na dating sundalo noong WWII, Harry Stonehill. Sa kabanatang ito sumikat ang isang Jose Diokno na kalihim ng Kagawaran ng Katarungan noong administrasyong Macapagal.

Malaking eskandalo si Stonehill dahil kagaya ni Janet Lim Napoles at Ben Hur Luy ay mayroon ding ipinangangalandakang blue book (dahil wala pang hard drive noong arao).

Si Ferdinand Marcos? Itanong mo kay Imelda. Si Erap Estrada? Itatanong ko kay Laarni. Si Gloria? Ipakulong muna natin si Miguel Pidal Arroyo.

Ang suma tutal ay ang panguluhan ang puno’t dulo ng katiwalian sang-ayon sa kulturang kinagawian. Kung maari nga ay masisi rin natin ang mga dios sa kapalaran ng ating pamamahala.

Ang Hudikatura

Subalit medio nagbago ang ihip ng Habagat. Pinuntirya naman natin ang Hudikatura o Hukuman. Hindi baga’t tatlo ang sangay ng ating pamamahala: Panguluhan, Lehislatura, at Hudikatura.

Laguing pangulo ang puno’t dulo. Biglang nabago ang inaasinta. Ang Punong Mahistrado.

Pambihira rin naman dahil parang nagsawa na tayo sa paninibak ng pangulo. Bakit hindi ang mga hukom para maiba naman. Alam natin kung gaano kakupad ang mga hukuman. Kalokohan ang dumulog sa mga hukuman. Mas makakamtan mo pa yata kung mamumundok ka o dudulog sa NPA. Ngayon uso ang riding in tandem. Tapue lang patas na ang laban sa nag-api sa ‘yo.

Parang pulis kung tumupad sa tungkulin ang hudikatura. Ang mga piskal at ang mga kawani ng Hudikatura parang kung sino sa karaniwang mamamayan lalo na sa mahihirap. Parang sila lang ang nakakaintindi ng batas. Samantalang buhay, karangalan, at ari-arian ang mga nakataya sa isang asunto.

Mabuti pa ang Bicol Express alam mo kung kailan ka ihahatid sa patutunguhan mo. Matagal nga lang. Samantalang ang mga husgado, hindi mo alam kung kailan aabante o sasalida. Napakamahal pa naman ng bayad dito lalo na ang singil ng mga abogado.

Maaring nabuo ang galit ng tao sa husgado sa mga nakarang 30 taon. Dahil nga naman halos 50 taon ng walang pagbabago ang galaw ng mga kaso. Mabuti pa noong panahon ng mga Americano o bago nanungkulan si Marcos, maguiguiting ang mga hukom at kagalanggalang. Ngayon, parang mga traffic aide. Kaya ng biglang kasuhan si Renato Corona, nagbunyi ang bayan. Ayan matututo na sa wakas ang mga hukom na ang akala mo ay hari ng kanilang sala. Sa kaunaunahang pagkakataon nakapagpatanggal tayo ng isang mahistrado ng Korte Suprema at pinuno pa nila. Nadaig natin ang America dahil hindi pa sila nakakapagpasibak ng Punong Mahistrado ng Pinakamataas na Husgado.

Ang Lehislatura

Kaya nakakadalawa na tayo nakapagpatalsik ng dalawang sangay: pangulo (Marcos at Erap) at Hudikatura (Corona). Subalit wala yata tayong kasawasawa. Gusto nating lagui tayong naninibak at pagtatawanan ang mga dating palalong mga lider ng pamahalaan.

Noong hinahatulan natin si Corona, humanga tayo kina JPE, Jinggoy, at Bong Revilla. Kahit si Tito Sotto naguing bida sa ating paningin. At si Gringo. Lalo na si Lito Lapid na guinanahan sa tirada ni Rudy Farinas na “palusot”. Siguro naala-ala niya ang mga pinalusot niyang libong truck ng lahar na hindi nagbayad ng taripa sa probinsiya ng Pampanga noong Gobernador pa siya.

Sakim, Incorporated

Subalit ang lahat ng ito’y dumaloy sa malapot na tubig ng estero. Lumabas ang personal na away ng magpinsang si Janet Lim Napoles at Ben Hur Luy. Gan’un nga yata ng Pinoy. Kapag nagkakamal ka na ng hindi matawarang yaman, nagguiguing walang ingat ka na lalo na sa pang-aapi ng empleado mo na sa paningin mo’y malaki ang utang na loob sa iyo dahil sa trabahong ibinibigay mo.

Sina Luy ang nagpayaman sa mag-asawang Napoles, walang duda. Ano ba naman ang bigyan mo ng mga house and lot ang mga empleado mong namemeke ng pirma ng mga beneficiary ng PDAF? Mahirap mangopya ng listahan ng libong pangalang pumasa sa board exam ng mga nurses. Kahit ka pa umorder ng Jolibee gabi-gabi sa delivery, malaking kalokohan ang guinagawa mo kung ang mga empleado mo ay namemeke at alam nila ‘yun kung magkano ang halaga ng SARO na paghahatihatian ninyo ng mga sakim at sigang mambabatas.

Jeane Lim Napoles at Victoria Peak HK

Mano ba namang bigyan mo ng tig-iisang unit sa Cityland ang mga nagpupuyat na ito. Bakit mo pababayaang ibuyangyang ng anak mong spoiled sa social media ang mga Hermes at LV bag o Porsche sports car o mga lugar na ni sa hinagap ay narating ng mga empleadong naguing instrumento mo sa pagpapayaman?

Bakit ang mga mambabatas lang ang bibigyan mo ng nakaguiguimbal na commission o sina Mat Ranillo at si Ruby Tuason ng finders’ fee? Isipin mo naman ang mga empleado mong nagpuyat at nangalyo ang daliri kapipirma ng mga huwad na benepisario.

Miembro ng Media may Delegencia

datsalatsamani!!!

datsalatsamani!!!

Dahil sa simpleng kasakiman, pinatulan na ng media ang sigalot ng magpinsang Napoles at Luy. Kung tutuusin, kasong personal ang illegal detention. Kung nakawala sa paningin ng media ito, luto na ito sa Piskalya at NBI. Ang nakapagtataka, walang bumulatlat sa hard drive na ipinagkatiwala ni Luy sa Inquirer noon pang isang taon, 2013. Doon palang mukhang may taga media na nakiki-alam sa traffic ng kasong ito ni Luy.

Ayon, pati sina Mike Enriquez at Korina Sanchez, sabit. Ano kaya ang pinag-uusapan sa hapag kainan ng Pamilya Binay ngayon? Ang sabi daw ni Nancy, “Dad may laban na si Mar sa ‘yo, dahil hihiwalayan na n’ya yung Palengkerang Matrona!”

Schadenfreude ang tawag ng mga Aleman sa nangyari kay Korina.

Kaya parang “ay oo nga pala” ang nangyari. Kung noong pang isang taon inilathala ng Inquirer, iba ang arkitektura ng mga halal sa Senado at Mababang Kapulungan. Kaya ng maghalalan, ayon, puro pirata ang naluklok.

Dahil nagkapatong-patong, dapat birahin na ang Kongreso. Wala ng kahihiyan ang institusyon ng Lehislatura. Dapat nga magkaroon ng coup d’etat ang sandatahang lakas sa mga nangyayaring ito.

Barbula ng CoA at Ombudsman

Mabuti na lang guinagawa ng CoA at Ombudsman ang trabaho nila. Ang mga tanggapang ito ang nagsisilbing escape valve o barbula ng nag-iinit na makina. Kung walang itinalagang barbula, mag-oover heat at sasabog ang mga piston at crank shaft ng pamahalaan.

Wala ng sampalataya ang taong bayan sa gobierno.

Sa unang pagkakataon, nakatuon ang atensiyon ng sambayanan sa Kongreso. Kailangan ng malawakang paglilinis.

Katarsis yata ang tawag doon ng mga matatandang Griyego.

Aral ng Thailand

Ang Thailand ay nagsawa na sa pang-arao-arao na kaguluhan sa lansangan. Tuloy nadidiskarel ang kanilang hanapbuhay. Kaya ngayon naki-alam na ang kanilang military. Sagot sa kaguluhan: martial law. Dahil wala namang nakatagong agenda ang mga heneral sa Thailand, walang tutol na pangmalawakan ang mga Thai.

Kailangan ba natin ang martial law upang isara ang Kongreso? Maari.

Subalit habang nariyan ang CoA at nakalimbag sa kanilang website ang mga audit reports at ang Ombudsman ay patuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa tatlong tiwaling mga mambabatas at madaragdagan pa, hindi natin kailangan ang malaking barbula ng martial law.

Ang nakakatulig lang ay ang mga pagtanggui ng mga nasukol na mga mandarambong.

‘Ni singkong duling daw hindi sila tumanggap mula kay Napoles at Luy. Paano sila tatanggap ng singkong duling eh hindi ba nademonetize na ito panahon pa ni Marcos?

w

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.