Katataspulong

Atty. Sonny Pulgar’s Blog & personal website.

TAHID SA LILINTIQUIN

Jun 2, 2013Articles2 comments

tahid sa lilintiquinMalaki ang agwat ng aming edad ni Jhalmar. Ang kanyang kasabayan sa kanilang henerasyon ay ang mga kapatid ng aking ama na si Felix at ng aking ina na si Celso. Hindi pa ako nanunumpa bilang mananaggol ay may mga nakapagsabi na sa akin na si Jhalmar ay Piskal ng Lucena.

Sa samahang Jaycees ko nakita ng personal si Jhalmar, sa Olongapo, noong nagtunggali sina Douglas Nazareno at Ramon Maronilla noong 1982 sa panguluhan nito. Karagdakang pagdating ko sa nasabing pulong ng mga Jacees si Jhalmar ang guro ng palatuntunan. Parang stand up comedy ang estilo ni Jhalmar. Mapagpatawa at walang kapaguran ang pagsasalita. Doon pa lang nabanaagan kong may pag-ibig sa mikropono si Jhalmar.

Nang sumunod na taon 1983, pinatay si Senador Ninoy Aquino. Nagsama-sama sina Oca Santos, Benny Marquez, Cezar Bolanos, at Jhalmar Quintana sa pangunguna ng mga protesta dito sa Quezon. Tinawag ko silang El Quadrillo.

Maganda ang kumbinasyon ng apat, kalat ang pinanggalingan sa lalawigan ng Quezon. Si Oca ay Alabatin, si Benny ay mula sa Bondoc Peninsula, si Doktor Bolanos ay Candelariahin, at ang aking idolo ay Maubanin.

Maraming pulong ang isinagawa ng bagong grupo upang mabuo ang oposisyon sa Quezon. Tatlong abogado at isang doktor. Mangha ang lalawigan kapag ang tatlong ito’y umiikot upang ihasik ang kanilang ebanghelio laban sa diktadura.

Kung liderato ang pag-uusapan, completos-recados ang El Quadrillo. Wala pa noon ang mga tumataguinting na mga pangalan sa pulitika ngayon sa lalawigan. Ang El Quadrillo  ang mga natatanging mga nilalang.

Maikling manalita ang tatlo nina Oca, Benny at Doktor. Sila ang nauuna sa talumpatian dahil kapag napasingit si Jhalmar, uumagahin sila bago makapagsalita.

Parang bitin ang mga naquiquinig, naghahanap pa ng isang lalaking may lagablab sa bituka. Uhaw sa talumpati ang bayan dangan kasi’y bawal ang pulitika noong martial law. Maraming pulitiko ang nagpahinog. Nilampasan ng sikat at lubog ng araw. Walang talubatang pulitiko noon, ‘di gaya ngayon.

Dahil uhaw, hanap ng tao’y tubig mula sa entablado. Si Jhalmar Quintana ang pumawi ng uhaw ng mga taga Quezon noong kadilimang yaon.

Hindi agad uma-akyat ng entablado si Jhalmar. Dinudumog siya sa ibaba: kamay dito, yakap doon. Mahaba ang palakpakan. Tuturo sa kalayuan na para bang may nabanaagang mukha na kakilala niya ng nagdaang panahon. “Bomba!” ang maririnig mo sa mga naruong naghihintay kahit hating-gabi na.

Isang lumang malusak na jeep na pang pulis ang gamit ni Jhalmar sa pag-ikot niya sa buong lalawigan hindi katulad ng Mercedes Benz ni Benny. Madalas mabalaho ang jeep ni Jhalmar at karaniwa’y nagpapasalamat siya sa may-ari ng kalabaw na humila sa kanya sa kala-anan.

Mahaba ang palakpakan na para kang nasa sabungan kapag araw ng kapistahan ng patron. Sa entablado’y kukurap-kurap ang bombilya at iisa ang mikropono na pawala-wala ang tunog at kailangang kalugin upang magtama ang kable. Hindi magkamayaw ang madla.

Nasa guitna na ng entablado si Jhalmar subalit wala pang namumutawi sa kanyang labi. Unti-unting tatahimik ang walang pagkainip na maquiquinig. Makapal ang bigote, kahawig ni Omar Sharif, malalim ang mata sa ilalim ng makapal na quilay, kulot ang makapal at maquintab na buhok. Ang lilipnan ng kanyang pantalon ay nakatupi dahil sa matigas na almirol ng lusak.

Bago siya magsalita’y lilinawin muna niya ang kanyang lalamunan. Doo’y palang tawanan na ang madla.

Baritono ang boses ni Jhalmar parang dagat ng Lamon Bay sa baba at Sierra Madre kung tumataas. Umuugoy at parang umaawit ang kanyang tinig. Malakas at kung minsa’y paos na dahil marami ng bayan at linang na napuntahan. Doon ko narinig ang kanyang salitaing tahid sa lilintiquin.

Marami ng nangahas na lumaban kay Marcos. Karamiha’y binawian ang lakas, kayamanan, at buhay,” ‘ika ni Jhalmar. “Subalit ngayong gabing ire nasa harap ninyo ang haharap kay Marcos at sa buong Sandatahang Lakas ng Bayang kanyang binusabos ng mahabang panahon.” Hihinga ng malalim at durugtungan, “narito sa harap ninyo ang lalaking may tahid sa lilintiquin!” Walang mayao ang tao: sumisilbato, humihiyaw, lumuluha, pumapalakpak.

Papayuhan niya ang madlang naquiquinig kung may sundalong espiyang katabi nila at pakiusapang sumama na sa kanila. Haguikhikan na ang tao sa paliguid ng entablado.

Iisa-isahin na niya ang mga kasalanan ni Pangulong Marcos. Mahaba ang talumpati dahil mahaba an’ya ang mga kasalanan ni Marcos sa bayan.

Kumpirmado ang pag-iibigan nila ng mikropono. Tapos na ang talumpati’y bumabalik pa siya na parang encore sa isang konsierto.

Subali’t noong panahong yao’y hindi ito kakulangan sapagkat parang tubig itong dumadaloy mula sa Banahaw na pumapatid ng uhaw ng bayan gawa ng mapanakot na martial law ni Marcos.

Kasabay mag-aral ng kolehiyo ni Jhalmar ang kanyang kababayang si Ely Pasamba sa Unibersidad ng Pilipinas. Subalit hindi roon nakatapos ng kursong Batas si Jhalmar at lumipat siya ng paaralan sa University of the East dahil sa marupok na kalusugan.

Ayon kay Ely, nanirahan si Jhalmar sa Mandaluyong kasama ng kanyang lola. Sa isang pagkakataon, nagkasakit si Jhalmar at dahil walang ospital na malapit sa kanilang tahanan, napilitang dalhin ng kanyang lola ang kanyang apong ginugupo ng lagnat sa National Mental Hospital na mayroon namang residenteng doktor.

Gumaling si Jhalmar sa kanyang sakit, subalit nagkarecord siya sa nasabing ospital hindi sa sakit sa isip kundi sa karaniwang sakit ng katawan. Nakatapos siya ng abogasia, nagpraktis ng kanyang propesyon, at ‘di nalaunan ay naitalaga siyang Piskal sa Lungsod ng Lucena. Doon nagsimula ang kanyang karera sa pulitika. Noong halalan sa Batasang Pambansa noong 1984, nahalal ang El Quadrillo bilang kinatawan ng Lalawigan ng Quezon. Tinalo nila ang Los Millonarios na sina Ed Escueta, Iba Villariba, Cesar Caliwara, at Danny Suarez.

Noong bumagsak si Marcos matapos ang EDSA Revolution, nahirang si Jhalmar na Assistant Minister ng Ministry of Interior and Local Government. Katulong siya ng kalihim nito na si Nene Pimentel sa pagpili ng mga Officer-In-Charge ng lahat ng local government unit sa buong kapuluan. ‘Di nalaunan, hinirang siya ni Pangulong Cory Aquino na maging OIC Governor ng Quezon.

Bilang marka ng kanyang liderato, lagui niyang suot ang baksa at balanggot. Nagpipintura sa lahat ng dako ng lalawigan kasama na ang tanyag na EME sa Atimonan. Tulad ng dati, mahaba pa rin ang kanyang talumpati. Sa loob ng apat na taon, matagal ng na-ampat ang uhaw ng mga taga Quezon. Unti-unti, nagsasawa na ang dating sa kanya’y humahanga. Sa isang araw ng Undas sa Mauban, nakita ng isang kababayan si Jhalmar sa sementeryong bayan na agad nagwika, “Gob, pinturahan mo na itong mga nitso!

Sa pangalawang pagkakataon, lumahok si Jhalmar sa halalan noong 1988 sa pagkagobernador ng lalawigan bilang katunggali nina Ed Abcede ng Liberal Party at Eddie Rodriguez ng PDP-Laban. Sa guitna ng init ng kampanya, may lumabas na Sertipikasyon mula sa National Mental Hospital na nagpapatunay na sa isang nagdaang panaho’y naguing pasiente nila si Jhalmar. Sa halip na magkibit-balikat, nagpalabas din siya ng isang Sertipikasyon mula sa nasabing pagamutang siya’y normal at walang kapansanan sa ulo.

Sa loob ng apat na tao’y si Jhalmar lamang ang umuuguit ng kanyang kapalaran sa pulitika. Maaring wala siyang tagapayo upang patataguin ang kanyang imahe bilang lider. Maaring wala siyang pinagkatiwalaan sa maselang bahaguing ito ng pampublikung pakikisalamuha o public relations at siya na lamang mismo ang pakaswal na gumagawa ng kanyang imahe sa pang arao-arao niyang pagtupad sa kanyang tungkulin.

Lumabas siyang over acting sa nakararami. May mga pumula na hindi na gawain ng gobernador ang magpintura ng gutter ng kalsada.

Ganito marahil ang pananaw ni Jhalmar sa isang lingkod bayan. Dinudumihan ang kamay at paa upang ipa-alam na siya’y kaisa ng nakararaming mahihirap. Subalit iba ang tantiya ng kanyang kalalawigan lalong lalo na ang kanyang mga elitistang mga kababayan sa Mauban.

May isang anak ng dating pulitikong Maubanin ang nagtanim ng galit kay Jhalmar. Naringgan ‘di umano si Jhalmar sa isang pribadong pagtitipon na nagmamalaki na napalaluan niya sa posisyon sa pamahalaan ang ama ng nasabing kababayan. Doon nagsimula ang pagaakda ng mga black propaganda ng nasabing anak ng pulitiko hanggang sa kasalukuyan. Sa kanya nanggaling ang Sertipikasyon laban kay Jhalmar. Ikatlo si Jhalmar sa halalan ng pagkagobernador noong 1988. Hindi siya tinulungan ng kanyang kababayang dating anak ng namayapang pulitikong Maubaning may hinanaquit sa kanya at noo’y deputado na ng kanilang distrito. Sa paningin ng pulitiko, banta si Jhalmar sa kanilang karera pulitika.

Maraming halalan mula noon ang nilahukan ni Jhalmar.

Sa limitadong kampanyang salapi, nakapagtatayo rin siya ng munting entablado at may maliit na mikropono. Nagtatiaga siya sa ilaw ng poste at dampi ng liwanag ng buwan. Aakyat ng entabladong wala na doon ang dati’y ‘di magkamayaw na naquiquinig. Mangilan-ngilan ang sumisilbato at pumapalakpak.

Malinaw pa ang kanyang lalamunan, may uban na ang kanyang balbas at quinupasan na ng quintab ang umaalong buhok. At magsisimula siyang magtalumpati, masigla, parang uma-awit, mula sa isang lalaking hinangaang kong may tahid sa lilintiquin.

w

2 Comments

  1. Atty. Crisanto R. Buela

    Tamang tama ang balik tan aw mo sa kasaysayn ng pulitika ni jhalmar quintana. Matagal ko din siyang nakasalamuha nuon abogado pa lng kc naging prof ko siya sa Luzonian nuon sa law subject sa bsba napakasaya mag turo tapos nung fiscal na eh nakasama ko sa jaycees kasama si kumander dante at nuoy fiscal na si judge alafahora. La Union hanggang Baguio na ako ang driver ng volkswagen ko. Nag aaral pa ako nuon at paaral ni Mayor Domingo Reyes na isa sa nagbigay ng suporta ki jhalmar nuong Batasan Election kc kulang yan sa pera. Hanggang nuong kumandidato na Senador kasama si Doy Laurel na kandidatong Presidente ng Natinalista Party at Vice President naman si Eva Kalaw na nagalit sa tagal magsalita ni jhalmar sa Lipa City kaya pinukpok na ng mike sa ulo si jhalmar akala ng mga tao eh drama kaya palakpakan kaya buhat nuon eh ipinahuli na siya sa magsasalita pero sa Ilocos muntik na siyang dumugin ng tao nung murahin si Marcos buti na lng at naitago nina Laurel. Yan ang tanda ko sa buhay ni jhalmar na laging ipinagmamalaki pangaln niya na kakaiba kc mayrong jh tawanannkami nuong nagtuturo pa siya sa amin. Wala nang makakaparis pa angvtaong ito sa Lalawigan ng Quezon. Isa itong legend sa ngalan ng pulitika sa Quezon at sa larangan ng pagiging mananggol na pati sa mga public toilet eh may nakadikit na pangalan niya. Salamat Bokal sa pagsusulat mo ng kanyang kasaysayan na nagpalala mga taga Quezon ng isang Jhalmar Quintana.

    Reply
    • Jose Leonidas

      Maraming Salamat sa articulong Ito. Salamat sa dilat ni Atty. C. R. Buena.
      Mabuhay!

      Reply

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.