“Ang di maalam ng salita sa atin ay gulpi pa sa hayup at malangsang yaput.” Iyan siguro ang naturan ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal kung lumaki siya sa pulo at hindi nakarinig ng iba pang pananagalog o salitang banyaga sa labas. O kaya ay sa TV radyo o internet.
Umabot sa kulang-kulang na isang libong “salitang Quezon laang” ang aking naipon sa aking listahan. Patuloy akong nagdadagdag sa aking naipon kapag may sumasaging bagong luma sa aking isip, o naririnig sa ibang malilibok. Aking sinaliksik o kaya ay pinagana ang isip kung saan galing ang mga salitang ito. Sumuko ako sa pag-iisip sa napakarami.
Mawawalan na ako ng ulirat, hindi ko pa rin maiisip kung saan nanggaling ang liputok. Magkapatid kaya ang buriki at burikat? Bakit kaya lumalabo ang planggana kapag naglilinis ka ng kalinawan? Bakit maagang maglandi ang mga bata sa atin? Ang abong ba ay pinagrambol na titik sa salitang bango? Kung ganoon, bakit ang abong ay mabaho?
Nakakapaningaw kaya ang pasingaw? Kapag hindi na kasya ang iyong pamandong, tatawagin mo pa ba itong syurpit? Kapag nabunggo ang bonggo, mababasag kaya ang kanyang bungo? Ang bongolan ba ay nagiging bangalan kapag nahinog? At kung hinog na ang bongolan, anong kulay ito bago naging berde? At ano naman ang tatak kapag nagtatatak ka ng basyad? Sahing ba ang tawag sa laway na galing sa pilaway?
Tinitiklop ba ang taong magandang tupiin? Ang sampiga ba ay nagiging sampilong kapag hinagip sa pagsampal ang ilong? Bakit nakakabungog ang nambibingga? Ano ang pagkakaiba ng langag sa bangag?
Kung ang kasag ay alimasag, bakit katang at hindi kango ang alimango? Kapag nagkarera ang kuray, buk-on at payapay sa tahik, sino ang panalo? Ilan ang gaway ng gutos? Walu-walo? Anong libro na may ngipin ang nahuhuli sa dagat? Sagot, ay di buktit.
Pipikit ka ba o magpapaganda kapag inutusan kang magparikit? Aswang lang ba ang kayang magpaanyo? Pwede bang timba ang gamitin kapag inutusan kang mag-baldeyo o dapat balde lang at iba ang utos na timbayo? Nagpupugad ba ang hinlulumbo sa lumbo? Iisa lang ba ang paa ng ligwan? Anong taon naging bolegs ang bulaan at anong taon naging idot ang bolegs? Magkakilala ba ang taong papang at putyot?
Napakadaming tanong ni Tinong.
May mga salitang Quezon naman na hango sa Kastila na lumang-luma na maaring ginamit din sa ibang bayan subalit tumilas at natunaw sa pagtagal. Ngunit hindi sa Quezon. Isang halimbawa. Sa atin, ang atado ay nangangahulugang “tingi”. Sa salitang Kastila, ang atado ay bigkis. Mula sa isang tali na atado, napunta ang gamit ng salitang ito sa kahit ano mang paninda na tinitingi. Alam mo ba bakit brukilya ang tawag sa atin sa embudo?
May mga salita namang sa aking palagay ay nanggaling sa tunog, o onomatopoeia sa salitang Ingles. Ang burumbom ay tambol. Brrrrrum-boom. Maidadagdag sa kategoryang ito ang tibulbok, tultok, ugik, butbut-kuhaw at iba pa. May mga salita namang pinaiksing mga kataga kagaya ng tingkoraw (tingnan ko nga), at tano (at bakit naman?), tamunga (tingnan mo nga), at iba pa.
Ang a-a, e-e, at u-u ay mga salitang Quezon. At paano mo naman isasalin sa ibang salita ang huran? Karamihan sa mga lamang-dagat ay pang-Quezon lang ang tawag. Tawagin mong galunggong ang lako ng nagtitinda ng isda at makakarinig ka ng “’Yan ay tilus.” At sino ang di matatawa sa kwento ng walang kamatayang kandoy.
(ABOUT THE AUTHOR: Rodel Aguilon is currently the Shared Services Organization (SSO) Head of a major retail chain in the United States which operates 1,100 Stores in America, managing an organization of 400 people. He used to be a Director for Shared Services in the same company before this promotion. Prior to joining retail, the author spent more than 20 years in the manufacturing industry as a Finance Professional, starting in a management career in the Philippines. He lived in China, Japan and Ohio as he moved around as part of his broadening assignments and last served as an Associate Director for Finance. Out of college as a summa cum laude, he started his professional employment in the most prestigious and biggest accounting firm in the Philippines. He hails from the town of Quezon, Quezon Province.)
0 Comments