Katataspulong

Atty. Sonny Pulgar’s Blog & personal website.

Tumbas Manipis…………by John Bello

Feb 14, 2009Articles0 comments

Tumbas Manipis

Tumbas Manipis

Bebe Gandanghari: Sa Pagtikwas Ng Iyong Daliri

John Tumbas Manipis Bello

Mula sa “Mga Piyesang Tumbas Manipis ng Aking Panahon” by John Bello

(Kay Rustom Padilla at mga kauri)

“Patay na raw si Rustom Padilla, nakalibing na, ang nabubuhay na ngayon ay si Bebe Gandanghari”- BALITA, Enero 20, 2009

Sabi na nga ba

At iyang pagiging hombre mo’y

Aksidente lang ng tadhana

Artista ka talaga.

Isang gabi iyon

Sa isang maka-realidad

Na palabas sa tv

Ay namalas ang pagtikwas

Ng iyong daliring

Kay tagal mong itinikom

Na kamao ng iyong pagka-macho.

Kalahi ng tigasing angkan

Ay nilaot mo pa

Ang salimuot ng isang relasyon

At sinayaw-sayaw ang iyong

Bruskong imahe ng pantasya

Ng mga kabaro ni Eba.

A, kay rami nilang sa tikas mo

Ay lihim at hayag

Na namalikmata

At di natanto

Ang lihim ng iyong lamya.

Ngayon, sa iyong paglaya

Ay si Bebe Gandanghari ka na

At kusa kang nagpaubaya

Sa mga ulos ng uyam

At diwara

Sa iyong dibdib ng ismo

Ng totoong buhay

At haraya.

Enero 21, 2009

Matagal ko ng kakilala si John Bello.

Noong Noviembre, 1995, matapos ang kasagsagan ng Bagyong Rosing, nakita ko siyang nakatayo sa Silangang Lagusan ng Kiosko ng Calauag. Marumi ang kabayanan, nagkalat ang mga dahon, sanga ng kahoy at basura. Ang mga tao ay sakbibi ng lungkot sapagkat nanalasa ang isang hagupit ng kalikasan. Bilang isang reporter ng Philippine Daily Inquirer noon, naghahanap siya ng opisyal na ulat. Nagkataon na ako noo’y kagawad ng Sangguniang Panlalawigan. Hindi ko na maala-ala kong may nagturo sa kanya o sa akin ng kami’y mag-usap dahil wala pang laman ang kanyang tape recorder tungkol sa mga datos ng pinsala.

Doon kami nag-usap sa arko ng Kiosko, malapit sa simbahang Katoliko,  isang lugar na matimo sa aking ala-ala sapagkat isang pook yaon na madalas kong ubusin ang oras ng aking kabataan. Mabilis naman ang palitan ng aming tanong at sagot. Habang siya’y papaalis at pasakay sa isang tricycle, tinanong niya ang aking pangalan na akin namang minutawing pinahabol habang maingay ang kanyang sinasakyan.

Kinabukasan, nasa headline ang bayan ng Calauag sa kanyang diario. Ika niya, sa Calauag nanalasa ang napakalakas na Bagyong Rosing na nagdulot ng malaking pinsala at pumatay sa 110 katao. Sa ulat niya’y binanggit ang aking pangalan na nagbigay sa kanya aniya ng mga datos sa kanyang balita. Subalit mali ang pagbabaybay niya ng aking pangalan.

Doon nagsimula ang aming malalim na pagkakaibigan.

Tumbas Manipis ang kanyang nom de plume segun, sa aking palagay, sa aking bansag na Katataspulong. Maraming oras mula noon ang aming palitan ng kuro at mga kolum sa kanyang mga pinangasiwaang munting pahayagang bayan.

.

Si Tumbas Manipis ay malalim. Isa siyang Intelektual. May sarili siyang pilosopiya at ideolohiya. Siya ay isang tubong tao na may likas na pang-unawa, at kakayahang magpahayag sa pamamagitan ng panulat, sa katotohanan ng ating kalalangan. Namuhay siya at nagkakaranasan sa iba’t ibang panig ng ating bansa (marunong ng salitang Waray, Hiligaynon, Bikol, Ilokano at Ilonggo) at nag-iwan din ng mga minahal doon. Para sa akin, isa siyang henyo. Tulad ng pagmimina ng ginto o diamante, ang kanyang Mga Piyesang Tumbas Manipis ng Aking Panahon” ay kayamanang maiihalintulad at bahagi ng panitikan o literatura ng lalawigan.

Ang Mga Piyesa ay sumasalamin ng ating buhay bilang taga-Quezon. Maaring ang isang tao ay nakilala at maala-ala dahil sa kanyang tinig na isinaboy ng teknologiya, subalit ang panitik ni Tumbas Manipis ay naka-ukit sa granita na magpapala-ala sa kanyang tilamsik ng imaginasyon at tikas ng diwa.

w

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.